LUMALAKAS NA SUPORTA SA TAMBALANG BBM-SARA

NANGUNGUNA sila sa survey. Malayo ang agwat nila sa mga kalaban. Panay ang batikos sa kanila sa kanilang kakayahan na mamuno sa ating bansa.

Sinampahan ng sunod-sunod na kaso ang tumatakbo sa pagka-pangulo sa pagnanais na madiskwalipika ito. Ito ngayon ang kalagayan ng tambalang BBM at Sara Duterte habang papalapit ang official campaign period na itinakda ng Comelec mula sa ika-8 ng Pebrero hanggang sa ika-7 ng Mayo para sa national election.

Subalit sa lahat ng ipinukol sa kanila, patuloy pa rin silang ngunguna sa survey. Patunay rito ang libo-libong sumusuporta sa kanila tuwing pumupunta sila sa mga lalawigan sa kanilang tinatawag na caravan.

Pinaghalong pula at berde ang suot ng kanilang mga tagasuporta na handang mabilad sa araw o mabasa ng ulan upang iparamdam nila ang init ng pagsalubong nila sa pagdating ng tambalang BBM-Sara sa kanilang lalawigan.

Ako mismo ay nabibigla sa aking nakikita sa YouTube at sa social media sa mga ipinopost nila tungkol kina BBM at Sara. Hindi natin mapigilan na ikumpara ang mga caravan nina BBM-Sara sa mga ipinopost din ng kampo nina VP Leni Robredo at Sen. Kiko Pangilinan. Ganoon din ni Mayor Isko Moreno at ng kanyang vice presidential candidate na si Dr. Willie Ong. Makikita rin natin sa YouTube at sa social media ang pamumudmod ng pera ng ating ‘Pambansang Kamao’ na si Sen. Manny Pacquiao at ng kanyang katambal na si Rep. Lito Atienza. Hindi rin pahuhuli ang dalawang senador na sina Ping Lacson at Tito Sotto.

Siguro kayo na ang humusga sa inyong mga napapanood sa social media o sa mga balita kung sino ang may mas mainit na pagtanggap ng mga tao sa nasabing mga kandidato. Wanakosey.

Kamakailan lamang, nakita natin kung paano mapuno ng mga motorista na nakasuot pula at berde na tagasuporta nina BBM at Sara ang kahabaan ng San Juanico Bridge na nag-uugnay sa lalawigan ng Samar at Leyte. Ganoon din kamakailan sa lalawigan ng Nueva Ecija na akala mo ay may concert ng loveteamn nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo o ‘KatNiel’ nang pumunta roon sina BBM at Sara.

Pula at berde lamang ang makikita mo.

Kaya naman ako ay napapaisip. Ano ang mayroon dito sa dalawa at tila lumalakas ang suporta sa kanila ng sambayanan? Hindi naman kaila sa lahat ang mga isyu laban sa pamilya Marcos na nag-udyok sa kanilang pagpapatalsik noong ika-15 ng Pebrero 1986 o tinatawag na EDSA Revolution. Walang tigil din ang paglilitis ng mga kaso laban sa kanila sa umano’y ‘ill-gotten wealth’ ng kanilang pamilya. Pati ang edukasyon at hindi pagbabayad ng wastong buwis ni Bongbong Marcos ay kinuwestiyon ng mga kalaban niya.

Sa kabilang dako naman, si Sara Duterte ay pilit na iniuugnay sa mala bruskong estilo ng kanyang ama na si Pangulong Rodrigo Duterte. May mga ilan na galit kay Pangulong Duterte ay nagsasabi na hindi na kailangan ng isa pang Duterte na mamuno sa ating bansa. Pati ang pananapak ni Sara Duterte sa isang sheriff, ilang taon na ang nakararaan, ay muling ipinalalabas sa social media sa hangad na ipakita ang umanoy tunay na ugali ng mayora ng Davao City. Gayon pa man, patuloy ang pagdami ng sumusuporta sa kanila.

Hindi natin masabi. Nagsawa na ba ang karamihan ng mga Pilipino sa mga kritiko ng mga Marcos na sa mahigit na 35 years ay wala silang nailabas na malinaw na katibayan laban sa mga kasong isinampa sa mga Marcos? Naghahanap ba ang mga Pilipino ng tunay na pagbabago at pagbabalik ng magandang pamumuhay ng mga Pilipino noong panahon ng ama ni BBM na si Ferdinand Marcos? Marahil ang mga kabataan ngayon ay nakakarinig ng kuwento mula sa kanilang magulang, lolo o lola kung paano sila namumuhay nang maayos noong panahon ni Pangulong Marcos.

Tingnan natin kung ano ang mga susunod na hakbang ng mga ibang kampo na katunggali nina BBM at Sara Duterte. Tiyak na hindi pa matatapos ito. Patuloy pa rin silang mag-iisip kung paano nila titirahin ng samu’t saring isyu ang BBM-Sara tandej sa hangad na mabawasan ng mga sumusuporta sa kanila.