KAHAPON lamang ay nagsalita si Quezon City Mayor Joy Belmonte na may naitalang isang pasyente na taga-lungsod nila na positibo sa COVID-19. Bagama’t hindi niya pinangalanan ang nasabing pasyente, sinabi lamang ng butihing mayor na siya ay taga District 1.
Sabay rito ay nag-anunsiyo rin ang Lungsod ng Marikina na mayroon silang naitalang tinamaan ng COVID-19. Dagdag pa rito ay ang napabalitang ilang mga empleyado ng isang malaking kompanya sa BGC ang nagpositibo sa COVID-19. May mag-asawang palagi ang pasyal sa Greenhills, San Juan City na tinamaan ng nasabing nakakamatay na virus. Sila ay nakatira sa bandang Cainta City sa lalawigan ng Rizal. Kaya naman lahat ng pamamaraan upang hindi kumalat ang nasabing virus ay ginagawa sa mga Lungsod ng Cainta at San Juan.
Kahapon ay nag-anunsiyo ang pamahalaan ng Navotas, San Juan at Marikina ng suspensiyon ng mga klase sa pribado at pampublikong mga paaralan bilang pag-iingat sa pagkalat ng COVD-19.
Sa bayan naman ng Lingayen na kapitolyo ng lalawigan ng Pangasinan, nagbaba ng utos si Mayor Pol Bataoil na suspendihin ang mga klase sa mga eskuwelahan at linisin ang kapaligiiran nito nang maiulat na ang balikbayan na bumalik sa bansang Australia ay positibo rin sa COVID-19. Ang nasabing balikbayan ay umuwi sa Lingayen noong buwan ng Pebrero upang makipag-reunion sa mga kaklase niya roon. Pati na rin ang kapitbahay nilang bayan ng Bugallon ay sinuspinde rin ang klase sa mga paaralan.
Ito ay labas pa sa inanunsiyo noong isang linggo ng DOH na may lima nang naitalang mga nakitaang positibo sa COVID-19. Sa lalawaigan din yata ng Quezon ay may nahawaan din ng nasabing virus.
Nilagdaan kahapon ni Pangulong Duterte ang Proclamation 922 na nagdeklara na state of public health emergency dulot ng mga sunod-sunod na kaso ng COVID-19 sa ating bansa. Ayon sa nasabing proklamasyon, “All government agencies and LGUs are hereby enjoined to render full assistance and cooperation and mobilize the necessary resources to undertake critical, urgent, and appropriate response and measures in a timely manner to curtail and eliminate the COVID-19 threat”.
Ang nasabing proklamasyon ay binibigyan din ng kapangyarihan si DOH Sec. Francisco Duque III na humingi at makipagkoordinasyon ng PNP at iba pang law enforcement agencies upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Pinag-utos din ni Duterte sa ilalim ng nasabing proklamasyon na “All citizens, residents, tourists, and establishments owners are urged to act within the bounds of the law to comply with the lawful directives and advisories to be issued by appropriate government agencies to prevent further transmis-sion of the COVID-19 and ensure the safety and well-being of all. ‘’
Ang tanong, lumalala ba ang sitwasyon ng COVID-19 sa ating bansa? Ano ba ang ginagawa ng ating pamahalaan? Paano ba natin malalabanan ang pagkalat ng COVID-19?
Maaring bahagyang dumami ang nahawaan ng COVID-19 sa ating bansa. Subali’t ang bilang ay hindi nangangailangan na tayo ay mag-panic. Ang bilang ng mga positibong nahawaan ng COVID-19 sa Filipinas ay napakaliit kung ito ay ihahambing natin sa China, Korea, Italy at sa Iran na daan o libo ang bilang na tinamaan ng nasabing virus.
Kailangan lamang ay mapagmasid tayo. Alamin ang mga impormasyon na ibinibigay ng ating pamahalaan kung papaano umiwas sa sakit na ito. Kung wala namang mahalagang gagawin sa mga mall, manatili na lamang sa bahay. Umiwas sa mga matataong lugar. Panatilihin ang kalinisan. Palaging maghugas ng kamay. Alagaan ang kalusugan sa pamamagitan ng wastong pagkain, ehersisyo at iwas sa puyat.
Comments are closed.