KUALA LUMPUR, Malaysia – Nasikwat ni Calabarzon sprint queen Jessel Lumapas ang ikalawang gold medal at ikalima para sa mainit na kampanya ng Team Philippines sa 2018 ASEAN School Games nitong Lunes sa Mini-Stadium ng Bukit Jalil.
Ginapi ni Lumapas, Grade 11 student sa Nazareth School of National University, ang mga katunggali sa girls 200-meter run sa bilis na 25.03 segundo para tangahling unang Pinoy double gold winner sa taunang torneo para sa student-athletes sa rehiyon.
Nauna niyang nadominahan ang 400-m run nitong Linggo sa bilis na 57.46 segundo.
Pumangalawa ang kasangga niyang si Decerie Jane Niala (25.07), kasunod si Nuryanti Erna ng Indonesia (25.25).
Target ng 17-anyos na si Lumapas, pambato ng Dasmarinas City, Cavite, ang ikatlong medalya sa pagsabak niya sa 4x400m event Martes ng hapon.
“Tingnan ko lang po. Kakayanin naman namin ng teammates ko. May tiwala naman ako sa kanila,” sabi ni Lumapas.
Sa pangangasiwa ni coach Fernando Dagasdas, nakapagsanay nang husto si Lumpas para sa kanyang unang sabak sa international competition, at inialay ang panalo sa kanyang magulang.
“These medals are for them,” aniya.
Nakopo naman nina Tara O. Borlain at Bernalyn Bejoy ang silver at bronze, ayon sa pagkakasunod, sa likod ng nagwaging si Ngo Thi Khanh Ny ng Vietnam (13.90 segundo) sa 800-meter run.
Naorasan sina Borlain at Bejoy ng 2:15.5 at 2:17.51, ayon sa pagkakasunod.
Sa gymnastics event, nasungkit ni Justine Ace de Leon ang silver medal sa boys artistic gymnastics’ vault event sa naitalang 13.533 puntos, sa likod ni gold medalist Trinh Hai Khang ng Vietnam (13.717).
Nakopo naman ni Althea Descutido ang bronze medal sa clubs event ng girls rhythmic gymnastics.
Sa kasalukuyan ay tangan ng Team Philippines ang limang gold, limang silver at 10 bronze medals para sa ikaanim na puwesto.
Nangunguna ang host Malaysia na may 23 gold, 24 silver, at 19 bronze medals, sumusunod ng Indonesia (19-17-22), Thailand (12-16-19), Vietnam (12-7-6), at Singapore (6-8-10).
Comments are closed.