LUMILIWANAG ANG PAGBABAGO SA AGRIKULTURA

perapera
By Joseph Araneta Gamboa

“Illuminating Change” ang naging tema ng 17th Bright Leaf Awards na ginanap noong Nobyembre 14, 2024 sa ­Fairmont Hotel, Makati City. Mula pa noong 2007, ­ipinamamahagi ng PMFTC Inc. ang gantimpalang ito ­taon-taon sa mga Pilipinong ­mamamahayag sa larangan ng agriculture journalism.

Mahalaga ang industriya ng agrikultura sa ekonomiya ng ating bansa. Ito’y nakasisiguro na mayroong food security at pangkabuhayan ang mga mamamayang Pilipino, lalo na sa mga kabukiran at kanayunan. Mahigit kumulang sa 23 porsiyento ng ating labor force ang sinusuportahan ng agri-sector, kabilang dito ang milyon-milyong magsasaka at mangingisda. Matibay rin ang kontribusyon nito sa gross domestic product o GDP ng pambansang ekonomiya natin.

Sa 2024 Bright Leaf Awards, dalawang manunulat ang nanalo mula sa pahayagang Business­Mirror na itinuturing bilang nakatatandang kapatid ng PILIPINO Mirror. Dumalo sa awards night si Lourdes “Chuchay’ Fernandez, ang Editor-in-Chief ng BusinessMirror, at umakyat siya sa entablado upang samahan ang nagwagi niyang mga manunulat.

Isang reporter sa Banking and Macroeconomy section na si Cai Ordinario ang itinanghal na mi­yembro ng Bright Leaf Hall of Fame dahil limang beses na siyang nanalo ng Bright Leaf Awards sa iba’t ibang kategorya. Pinarangalan siya ng Oriental Leaf Award dahil sa limang Bright Leaf Awards na nakuha niya mula noong 2018.

Ang beteranong Baguio-based correspondent ng BusinessMirror na si Marilou Guieb ay pinanalunan ang “Best Agriculture News Story-National for 2024” para sa kanyang ulat na pinamagatang “Baguio: Lo­ving Flies, but the Good Kind.” Tungkol ito sa karanasan ng Baguio City local government unit (LGU) sa paggamit ng mga itim na langaw para sa sustainable food projects tungo sa tinatawag na circular economy.

Si Ordinario ang pangatlong Bright Leaf Hall of Famer na produkto ng BusinessMirror. Noong 2015, isa pang Baguio-based journalist na si Mauricio Victa ang nanalo ng Oriental Leaf Award, at nasundan ito noong 2021 ng dating agriculture reporter na si Jasper Emmanuel Arcalas.

May kabuuang 12 taunang awardees ang kinilala sa seremonya ng 2024 Bright Leaf Awards sa mga sumusunod na kategorya: Agriculture Story of the Year; Agriculture Photo of the Year; Tobacco Story of the Year; Tobacco Photo of the Year; Best Television Program or Segment; Best Radio Program or Segment; Best Agriculture News Story-National; Best Agriculture Story-Regional; Best Agriculture Feature Story-National; Best Agri­culture Feature Story-Regional; Best Online Story; and Best Story in Tobacco Product Alternatives.  Ang mga nanalo ay nakatanggap ng mga premyong cash, laptop, at all-expense-paid tour ng isang piling lungsod sa Asia.

Ang may-akda na si ­Joseph Araneta Gamboa (JAG) ay ­kasalukayang Director at Chief ­Finance Officer ng Asian Center for Legal Excellence, isang ­accredited provider ng Supreme Court para sa Mandatory Continuing Legal Education (MCLE) courses ng mga abogadong Pilipino. Sumisilbi din si JAG bilang Vice Chairman ng Ethics Committee sa Financial ­Executives Institute of the ­Philippines (FINEX).

Disclaimer: The views and opinions expressed above are those of the author and do not necessarily represent the views of FINEX, ­CSBank, and of PILIPINO Mirror.