Kahit saan, kahit kailan, hit na hit na negosyo ang pagkain. Mahilig kasing kumain ang mga Filipino, sa Filipinas man o sa ibang panig ng mundo. Kaya kung pagkain ang itinitinda mo, for sure, may market ka.
Early this month, nagbago ng pagkakakitaan ang isang dating tutor na si Minerva Inidal, 54-anyos, may tatlong anak na pawang nag-aaral.
Malaking problema sa kanya nang mawalan siya ng trabaho dahil tatlo nga ang anak niyang nag-aaral. May trabaho naman ang kanyang asawa ngunit dahil nagkaroon ito ng aksidente tatlong taon na ang nakalilipas, halos wala itong naibibigay sa kanila tuwing kinsenas at katapusan. Hanggang isang araw, isang kaibigan ang nagyaya sa kanyang magbenta ng pritong lumpiang togue.
Ayaw sana niyang patulan ang negosyong ito dahil kakaunti lamang ang kita, ngunit nang araw na iyon ay wala silang pambili ng pananghalian kaya napilitan siyang magbenta.
Maganda naman ang kinalabasan. Sa loob ng dalawang oras, naubos niya ang 100 pirasong lumpia at kumita siya ng P100 na pagod lamang ang puhunan.
Gusto sana niyang ipagpatuloy ang nasabing negosyo, ngunit wala siyang puhunan, pero resolbado ang problema nang malaman niyang sa halagang P300 lamang ay makapagsisimula ka na ng ganitong klaseng negosyo.
Ang mga kakailanganin sa negosyong lumpiang togue ay ang 1 kilo halo-halong gulay. Piliin ang may kasamang kamote o singkamas o kahit papayang berde, upang maging mas malasa ang inyong lumpia, P60; 2 balot ng lumpia wrapper na may 50 sheets bawat isa, P54; 2 bote ng mantika, bale aabot ito sa mahigit 500 ml o kalahating litro, tamang-tama lamang para sa deep frying. Mas masarap kasi ang lumpia kapag deep-fried P34; 2 sachet ng oyster sauce, katumbas ng dalawang kutsara, P11; 100 grams atay ng manok na hiniwa ng maliliit, P18; 1 kutsaritang pamintang durog, P5; 2 sachet ng Magic Sarap o Aji-ginisa, P6; 1 boteng sukang puti, P12; 2 kutsarang Mang Tomas lechon sauce, P10; ¼ kilo ng brown sugar, P15; 1 kutsarang cornstarch, P5; Bayad sa panggatong, P10; 1 ulong bawang, P10; 2 ulong sibuyas, P10; 2 balot ng togue (isang kilo), P40. Sa roughly estimated na halagang aabot lamang sa humigit-kumulang P300, may pang-araw-araw nang panggastos ang pamilya ni Minerva. Sa nabanggit na mga ingredients ay 80 piraso ang magagawang lumpia, na maibebenta mula P7-P10 depende kung saang lugar ibebenta.
Simple lang naman ang pagluluto nito dahil pagsasamahin mo lang ang lahat ng mga sangkap. Pagkatapos ay babalutin at saka ipiprito.
Sa madaling sabi, aabot sa mahigit P300 o doble pa sa puhunan ang kikitain sa pagtitinda ng lumpia.
Sapat na ito upang tustusan ang pang-araw-araw na pagkain ng tatlong anak, at makaipon ng kaunti para sa mga projects sa paaralan.
Kung iisipin, napakaliit pa ring kita, pero mas mabuti na kaysa wala, ‘di ba?
Saka dalawang oras ka lang namang magtitinda kaya puwede ka pang magbenta ng iba. Try mo. Sayang din, maganda itong raket, busog ka pa. (photos mula sa yummy.ph at foxyfolksy.com). NENET L. VILLAFANIA
Comments are closed.