NAGSIMULA nang kumilos ang walong eksperto mula sa United States para tumulong sa paglilinis ng dambuhalang oil spill na nilikha ng paglubog ng Marine Tanker MT Princess Empress sa Oriental Mindoro.
Ito ay matapos na matunton ng Japanese remotely operated vehicle (ROV) ang lokasyon ng lumubog na oil tanker, na lumilikha ngayon ng malawak na oil spill na umaabot hanggang sa mga kalapit na lalawigan.
Upang maiwasan pa ang malaking pinsala ay humingi na ng tulong ang Pilipinas sa United States at Japan para hanapin ang MT Princess Empress na sinasabing may kargang 800,000 liters ng industrial fuel oil nang lumubog noong Pebrero 28. 2023 na tinatayang nasa lalim na 400 meters.
Tutulong ang Japan at US sa Philippine Coast Guard para marating ang wreckage at alisin ang nalalabing langis na karga nito.
Tutulong din ang ipinadalang coast guard personnel ng Japan para imbestigahan ang oil spill at gabayan ang mga awtoridad sa ongoing oil removal and control activities”, ayon sa Philippine Coast Guard.
Ayon sa inilabas na impormasyon ni U.S Ambassador to the Philippine Mary Kay Carlson, kabilang sa 8- man team ng US ang limang kasapi ng U.S. Coast Guard (USCG) National Strike Force na magsasagawa ng pagtuturo hinggil sa kanilang mga kasanayan at assessment sa mga affected areas para malaman ang pinaka -effective method at equipments na kakailanganin para makontrol at malinis ang oil spill.
Bukod sa ROV na ginamit ng Japan sa paghahanap sa lumubog na tanker ay pinag- aaralan din ng U.S. Navy Supervisor of Salvage and Diving ang mga technical parameters na kinakailangan para masuportahan ang posibleng deployment pa ng remotely operated vehicle.
“When vessels are in deep water, as in this case, cleaning up the remaining oil becomes a complicated issue. Through our incident management professionals’ wealth of experience and strong expertise in oil spill response, we will assist the PCG in developing safe and efficient methods to contain and recover the oil and minimize damage to the environment,” sabi pa ni Commander Stacey Crecy, commanding officer ng USCG Pacific Strike Team.
Tinatayang nasa mahigit na 2,500 hectares ng coral reefs, mangroves at seaweed ang masisira ng dahil sa oil spill, ayon sa DENR.VERLIN RUIZ