NOONG nakaraang Huwebes (Disyembre 16), binayo ng super bagyong Odette ang malaking bahagi ng Visayas at Mindanao.
Nagdulot ito ng malawakang pagbaha, pagguho ng lupa at pagkapinsala sa iba’t ibang mga lalawigan, siyudad at bayan.
Hindi na bago sa ating bansa ang pagsapit ng mga kalamidad.
Katunayan, hindi mabilang sa mga daliri sa kamay ang maraming bagyong dumarating kada taon na nagdudulot ng kapinsalaan hindi lang sa buhay ng tao at mga hayop kundi maging sa hanay ng agrikultura at imprastraktura.
Kahit ang mga ganitong sitwasyon ay parang pangkaraniwan na, tila hindi pa rin natututo ang marami at maging ang mga opisyal ng mga lokal na pamahalaan dahil kulang pa rin talaga sa paghahanda.
Para bang kuntento na sa mga nakasanayang operasyon na sa tuwing sasapit ang mga kalamidad ay binibigyan na lang ng relief goods ang mga apektadong lugar o residente.
Hindi pangkaraniwan ang pagtama ni Odette.
Humigit-kumulang sa 200 ang mga nasawi at marami pang nawawala, maliban sa mga nasugatan at pinsala sa iba’t ibang sektor.
Sa mga lokal na pamahalaan, may kanya-kanyang risk reduction and disaster management councils o offices.
Ngunit tila nakatuon lamang sila sa pagsasagawa ng malawakang operasyon pagkalipas ng mga kalamidad.
Malinaw naman na may tatlong bahaging nakapaloob sa disaster management at kasama na rito ang operasyon bago pa man tumama ang kalamidad at pagsasagawa ng paglikas ng mga tao sa evacuation centers.
Panghuli na ang pagbibigay ng relief assistance at pag-assess o pagtingin sa tindi ng pinsalang dulot ng sakuna.
Ang pinakamahalaga sa lahat ay ang paghahanda bago pa manalasa ang bagyo na mukhang hindi masyadong natututukan ng local government units (LGUs).
Masaklap ding isipin na tuwing may kalamidad, namumutiktik ang mga gahamang negosyante.
Kaya maganda ang ginagawang pag-alalay daw ng Phil. National Police (PNP) sa Department of Trade and Industry (DTI) para i-monitor ang presyo ng mga pangunahing produkto.
Importanteng matulungan ang DTI sa pagpapatupad ng “price freeze” sa mga lugar kung saan umiiral ang state of calamity na dito’y sakop ang mga basic goods tulad ng bigas, mais, tinapay, sariwa at delatang isda, karneng baboy, baka, manok, itlog, gatas, gulay, root crops at kape.
Kasama rin dito ang asukal, mantika, asin, sabong panlaba, panggatong, uling, kandila, at iba pang essential gaya ng gamot.
Batay kasi sa Sections 6 at 7 Republic ng Act 7581 o The Price Act, awtomatikong umiiral ang ‘price controls’ sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity.
Mantakin ninyo, sa ilang lugar daw diyan sa Cebu ay umaabot sa P100 ang kada litro ng gasolina.
Sa mga ganitong sitwasyon, lumulutang talaga ang mga ganid na negosyante.
Sinasamantala nila ang pagkakataon para maitaas ang halaga ng kanilang mga paninda lalo na ang mga pagkain.
Aba’y batid ng mga gahaman na hindi na makakapiyok ang mga nangangailangan ng pagkain.
Mapipilitan silang magbayad kahit sobra-sobra ang patong dahil kailangan nila.
Naku, wala talaga silang pakialam sa kalagayan ng mga biktima ng baha o kalamidad.
Ang lagi nilang iniisip ay kumita nang malaki.
Masasabi kong walang ipinagkaiba ang mga gahamang ito sa mga buwitre na nagsusulputan kapag nakaamoy ng mga bangkay.
Mas masahol pa nga siguro ang mga ganid na negosyante dahil ang mga buwitre kapag nabusog ay titigil na sa pagsila habang mga trader ay hindi titigil hangga’t hindi umaapaw ang kanilang bulsa.
Sana’y magbantay nang mabuti ang DTI at hindi lamang ningas-kugon ang kanilang ginagawa.
Mahalagang kumilos ang mga kinauukulang ahensiya, tulad ng DTI, para masawata ang pagkagahaman ng mga negosyante sa mga apektadong lugar.