INILUNSAD noong ika-5 ng Oktubre ang Organic Urban Farm sa Brgy. Malagasang 2F na dinaluhan ng mga drug surrenderer, mga miyembro ng 4P’s at out-of-school youth.
Ang organikong pagtatanim ay isang paraan ng pagtatanim na kung saan gumagamit ng mga natural o likas na pataba upang maiwasan ang mga kemikal na maaaring makaapekto sa kalusugan at makasira sa kalikasan.
Patuloy man ang industriyalisasyon sa lungsod, nananatili pa ring malaki ang pagpapahalaga ng lokal na pamahalaan sa sektor ng agrikultura. Kabilang sa programang ito ang Urban Gardening tulad ng hydrophonics at aquaphonics na siyang nagsisilbing alternatibong paraan ng pagtatanim na hindi nangangailangan ng malawak na sakahang lupa.
PROYEKTO, NAHAHATI SA TATLONG BAHAGI
Ang proyektong ito ay nahahati sa tatlong bahagi. Una ang Demo Farms. Kaugnay ng 8-point agenda para sa agrikultura ay ang pagtatayo ng demo farms kung saan maituturo sa mga magsasaka at iba pang stakeholders tulad ng mga guro, estudyante, at homeowners ang wastong paraan ng organikong pagsasaka at pagtatanim.
Ikalawa ay ang Citywide. Sa ikalawang bahagi ng proyekto ay sisimulan ang implementasyon ng organic farming sa mga idle land na may sukat na 400 metro-kwadrado o higit pa. Nakatutulong din ang programa sa pagbibigay ng hanapbuhay sa drug surrenderers, benepisyaryo ng 4P’s at out-of-school youth.
Habang ang huling bahagi ay ang Post-Harvest. Sa pakikipagtulungan ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Science and Technology (DOST), magtatayo ang lokal na pamahalaan ng isang food processing unit para sa mga organikong gulay at prutas.
Ang DOST ang mangunguna sa pagsasanay sa paggamit ng iba’t ibang kasangkapan at paraan sa pagpoproseso ng pagkain. Magbibigay naman ang DTI ng tulong upang makagawa ng maayos at matatag na “brand” at added value para sa mga organikong produkto. Nilalayon ng post-harvest facility na magkaroon ng lungsod ng sariling dekalidad na produkto na tunay na maipagmamalaki.
ORGANIC MARKET, BAHAGI RIN NG PROYEKTO
Bahagi rin ng proyektong ito ang organic market na kung saan maaaring ibenta ng mga organic farmer sa lokal na pamahalaan ang kanilang mga sariwang ani.
Sa tulong nito, mabibigyan ng dagdag na kabuhayan ang mga mamamayang Imuseño at maaaring makabili ang mga mamamayan ng organic food sa mas abot-kayang halaga.
Ang programang ito ay bahagi ng mga hakbang tungo sa pagiging “Organic Food Capital of Cavite” ng lungsod ng Imus. SID LUNA SAMANIEGO
Comments are closed.