RIZAL- PITONG construction workers ang nilamon ng gumuhong lupa sa construction site sa Fairmont Hills Subd., Mount Blanc St., Brgy. De la Paz, lungsod ng Antipolo.
Apat ang idineklarang patay at tatlo ang na-rescue ng mga awtoridad, kinilala ang mga namatay sa sina, Fernando Macalindong Jr., 32-anyos, binata; Romilo Perdigon Jr., 37-anyos; Edgardo Empleo, 56-anyos , may asawa at si Albert Lopez, 33-anyos, binata.
Ayon sa ulat ni Relly Bernardo, Chief ng Antipolo City Disaster Risk and Reduction Management Office, dakong alas-3 ng hapon kamakalawa nang nakatanggap sila ng tawag sa pagguho ng lupa sa ginagawang 2-storey residential area sa nasabing subdivision sa Brgy. dela Paz.
Naisugod pa sa ospital ang apat na biktima ngunit idineklarang dead on arrival habang ligtas na nasagip ang tatlo pang nilamon ng lupa.
Dagdag ni Bernardo, may kaukulang building permit ang ginagawang bahay mula sa City Planing and Development Office sa lungsod.
Pansamantala namang itinigil ang konstruksyon ng bahay habang nagpapatuloy ang imbestigasyon kung may kapabayaan ang contractor nito.
Tiniyak naman umano ng may-ari ng bahay na tutulong ito sa pamilya ng mga nasawi at pagpapagamot sa tatlong trabahador.
ELMA MORALES