Hazard Hunter PH, inilunsad ng DOST
PORMAL na inilunsad ng Department of Science and Technology (DOST) kahapon ang pinakabagong disaster risk reduction technology na tinatawag na Hazard Hunter PH sa punong tanggapan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa Dilman, Quezon City.
Ipinagmalaki ni DOST Undersecretary Renato Solidum ang naturang proyekto na sama-samang binuo ng mga eksperto mula sa Advanced Science and Technology Institute (ASTI) na isa sa mga ahensiya ng DOST.
Ipinaliwanag ni Solidum, ang naturang Hazard Hunter PH ay isang online multi-hazard assessment na magagamit sa pamamagitan lamang ng iyong mga kamay ay agaran ng makikita ang mga mapa o lugar na may mga panganib sa buong bansa.
Aniya, layon din ng naturang hakbang na matulungan din ang mamamayan na mga nagbabalak bumili ng kanilang mga bagong bahay upang maging gabay kung maayos ang lupa na kanilang kukunin o mayroong nakaambang panganib dulot ng fault line sa isang lugar.
Idinagdag pa ni Solidum na reliable ang P40 milyong Hazard Hunter PH na may kapasidad na matukoy at makapag-assess kung ang isang lugar ay delikado o may nakaambang panganib katulad ng fault line sa isang bahay o building, volcanic, landslide areas, panganib dulot ng tsunami at storm surges at iba pa na makatutulong sa national at local government sa pagtugon para mapanatiling ligtas ang mga kababayan at makapili nang maayos na pagtatayuan ng mga tahanan.
Ginawa ang programa kasunod na rin ng paggunita ng ika-29 taon ng July 16, 1990 Magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Central Luzon kaalinsabay na rin ng paggunita ng National Disaster Resilience Month ngayong Hulyo na may temang “Kahandaan sa Sakuna’t Peligro para sa Tunay na Pagbabago.” BENEDICT ABAYGAR, JR.