KUNG pagbabatayan ang mga pag-aaral, lahat daw ng pinagmumulan ng taba ng hayop at halaman ay naglalaman ng mga fatty acid.
Maaari itong saturated o unsaturated at ang huli ay kinabibilangan ng parehong mga monounsaturated at polyunsaturated na anyo.
Tinukoy ang trans fats bilang unsaturated fats na may isa o higit pang carbon-carbon double bond sa trans configuration na nagreresulta sa kanilang mga katangian na mas katulad ng saturated fats.
Bukod daw sa epekto ng pagtaas ng low-density lipoprotein o bad cholesterol sa pamamagitan ng saturated fats, binabawasan din ng trans fats ang high-density lipoprotein o good cholesterol.
Kaya naman, ang mga taong may mas mataas na antas ng food compound na ito ay mataas din ang panganib na dapuan ng cardiovascular disease (CHD).
May magandang balita naman daw ang World Health Organization (WHO) dahil 1.4 bilyong tao na ang protektado kontra trans fat bunsod ng best-practice policies sa 40 bansa laban sa peligrosong sangkap sa pagkain.
Ayon kasi sa WHO report, naging triple ang bilang ng mga bansang nagpapatupad ng mga regulasyon laban sa industrially-produced trans fat mula noong 2020.
Ang trans fat ay karaniwang ginagamit sa paggawa ng pastries, mantika o cooking oil, pritong pagkain at packaged food. Ang matindi, kaya nitong pataasin ang cholesterol level ng tao at maaari itong magdulot ng panganib ng pagkakaroon ng sakit sa puso.
Kung matatandaan, noong 2018 ay napagkasunduan ng health ministers sa iba’t ibang bansa na puksain ang industrially-produced trans fat sa food supplies hanggang taong 2023.
Sabi ni WHO nutrition & food safety director Francesco Branca, puwede namang palitan ng healthy oils ang unhealthy fat. Kung magagawa raw ito ng bawat bansa, aba’y nasa 500,000 katao ang maisasalba laban sa pagkamatay dulot ng cardiovascular disease kada taon.
Binanggit din sa WHO report na bagama’t may magagandang hakbang nang ginagawa ang mga mayayamang bansa, napag-iiwanan naman ang ‘poorer nations’ dahil sa mataas na bilang ng mga naitatalang coronary heart diseases dulot ng trans fats.
Ayon naman sa Institute of Health Metrics and Evaluation, 10 sa 15 bansa na may mataas na death toll sanhi ng heart disease ay dahan-dahan nang nakakasabay sa mga polisiya laban sa trans fat.
Kabilang daw dito ang mga bansang tulad ng Egypt, Iran Mexico, Azerbaijan, Ecuador, Pakistan, Republic of Korea, Bhutan, Nepal, at Australia.
Ang Pilipinas naman, kasama ang Bangladesh, India, Paraguay, at Ukraine, ay nakikitaan na raw ng magandang improvement dulot ng mas pinaigting nitong protective legislation buhat noong May 2020.
Nabatid na ang ating bansa ay isa sa kauna-unahang lower middle-income countries na lumusot sa katulad na practices laban sa industrially-produced trans fat.
Aba’y best practice policies naman daw ang pinaiiral ng Brazil, Peru, Singapore, Turkey, United Kingdom, at European Union.
Gayunman, aminado ang WHO na may political at economic concerns ang ilang bansa na nag-e-export ng coconut at palm oils.
Totoong maganda ang layunin ng WHO sa mga ginagawa nitong hakbang laban sa trans fat.
Ang dapat lamang gawin nito ay tulungan ang mga mahihirap na bansa para makapag-produce ng malinis o healthy na palm oil sa pamamagitan ng mga bagong teknolohiya.
Malaki rin ang magiging ambag marahil ng commitment ng International Food and Beverage Alliance sa pag-phase out ng industrial trans fat hanggang 2023.
Makikipagpulong pa nga lang ang WHO sa malalaking oil manufacturers at nawa’y magkaroon ito ng positibong resulta.
Kumbaga, sabi nga ni WHO Director General Dr. Tedros Ghebreyesus, abot-kamay na natin ang kauna-unahang global elimination ng ugat sa lahat ng noncommunicable diseases.
Huwag nating sayangin ang pagkakataong ito.
Malaking hamon naman ito sa mahigit limang buwan na lamang na liderato ni Pangulong Rodrigo Duterte at maging sa susunod na administrasyon.
Sa palagay ko, dapat ding tingnan ng kasalukuyang pamahalaan at ng mga kinauukulang ahensya tulad ng Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) ang kakulangan sa regulasyon sa trans fat.
Mahalaga kasing nakalagay din sa mga label ng mga pagkain kung may taglay itong trans fat o wala at kung gaano kataas o kababa ang antas na mayroon ito.