INAPRUBAHAN ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa ikalawang pagbasa nitong Lunes ang dalawang panukalang batas para sa karagdagang benepisyo sa overseas Filipino workers (OFWs).
Ang House Bill (HB) 10959, na pangunahing inakda ni Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., ay naglalayong mabigyan ang mga OFW ng 50% discount sa mga charging fees na ipinapataw sa mga remittance o padalang pera sa kanílang pamilya sa Pilípinas.
Ipinaliwanag ni House Committee on Overseas Workers Affairs chairperson at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, na nag-sponsor sa naturang panukalang batas sa plenaryo, na bibîgyan din ng nasabing panukala ng mga insentibo ang mga remittance center upang mahikayat sila na sang-ayunan ang panukalang diskwento.
“(The centers) may claim the discounts granted as tax deductions based on the cost of services rendered to OFWs to be treated as ordinary and necessary expense deductible from their gross income,” ani Acidre.
Ang panukalang batas ay tatawaging Overseas Filipino Workers (OFWs) Remittance Protection Act sakaling ito ay maging ganap na batas.
Lusot na rin sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang HB 10914, na magbibigay sa mga OFW at sa kanilang pamilya ng libreng financial education.
Ayon kay Acidre, isa sa mga may-akda ng HB 10914, kapag ito ay naging batas ay mapoproteksiyonan na ang mga OFW laban sa investment scams, at kasabay nito ay magkakaroon sila ng sapat na kaalaman sa pag-iipon ng pera sa pamamagitan ng angkop na edukasyon at pagsasanay ukol sa financial literacy.
JUNEX DORONIO