(Lusot na sa House panel) BAWAS-BUWIS SA PANALO SA LOTTO

lotto outlet

ISINUMITE na ng House Committee on Ways and Means ang inaprubahan nitong House Bill 9277 na naglalayong ibaba ang buwis na.ipinapataw sa stock transaction at panalo sa lotto, gayundin ang dividends tax at documentary stamp tax. 

Nabatid na sa ilalim ng HB 9277, mula sa kasalukuyang 6/10 ng 1% ay gagawing 1/10 ng 1% ang stock transaction tax.

Ibababa rin ng panukala ang dividends tax rate para sa non-resident aliens mula 25% ay gagawin na lamang 10%.

Hinggil naman sa final tax rate para sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at lotto winnings, nakasaad sa naturang panukalang batas na mula 20% ay magiging 10% na lamang ito.

Subalit mananatiling exempted sa buwis ang mga panalo sa lotto na hindi lalampas sa P10,000.

Ang lahat naman ng documentary stamp tax na ipinapataw sa lotto tickets ng PCSO at horse-race betting ay gagawin na lamang 10% mula sa kasalukuyang 20%. ROMER R. BUTUYAN