(Lusot na sa Kamara) DISCOUNT SA INDIGENT JOB SEEKERS

PASADO na sa Kamara ang House Bill No. 8008 o ang panukalang batas na naglalayong pagkalooban ng diskwento ang mga indigent job seeker sa pagkuha ng government clearances.

Sa ilalim ng Kabalikat sa Hanapbuhay Act, mabibigyan ang mga ito ng 20% discount sa pagkuha ng iba’t ibang dokumento tulad ng barangay clearance, NBI at Police clearance, medical, marriage at birth certificates; national certificate and certificate of competency mula sa TESDA, certificate of Civil Service eligibility mula sa CSC, at iba pang mga dokumento na iniisyu ng gobyerno.

Nakapaloob din sa panukalang batas na libre ring makukuha ng indigent job seekers ang tax identification number mula sa Bureau of Internal Revenue; transcript of records, transfer credentials, authenticated copy ng diploma, at certificate of good moral character mula sa state universities and colleges, at local universities and colleges.

Kwalipikado rito ang mga indigent job seeker na kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Maaaring magamit ang diskwento at waiver isang beses kada anim na buwan.

-DWIZ 882