(Lusot na sa Kamara) ‘LIFE’ SA AGRI SMUGGLERS

APRUB na sa third and final reading sa Kamara ang panukalang pag-amyenda sa Republic Act (RA) No. 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act, kabilang dito ang pagkakaroon ng probisyon para patawan ng parusang habambuhay na pagkakakulong ang mga agri smuggler.

Nasa 289 kongresista ang pumabor at wala naman kahit isa ang tumutol sa plenary voting ng House Bill No. 9284, o ang Anti Agri-Fishery Commodities and Tobacco Economic Sabotage Act, na inendorso ni House Committee on Agriculture and Food Chairman at Quezon 1st Dist. Rep. Mark Enverga.

Sa ilalim ng naturang panukala, ang smuggling ng bigas at iba pang produktong pang-agrikultura ay ituturing na “economic sabotage”, na sa umiiral na batas ay may pinakamabigat na parusa na life imprisonment.

Nauna rito, sinabi ni Speaker Martin Romualdez na umaasa siyang lilikha ng chilling effect ang panukala sa mga indibidwal na mas piniling pagkakitaan ang paghihirap ng nakararaming Pilipino.

“This bill will help realize President Marcos’ aspirations of affordable produce and food self-sufficiency. Its unanimous passage speaks volumes,” pahayag ng lider ng Kamara.

“Malapit nang matapos ang mga maliligayang araw ng mga smugglers, hoarders, at ang mga nagca-cartel. Your days are numbered. Once this bill is enacted, we will use its provisions to the fullest in order to prosecute these evil-doers who made our kababayans suffer,” pagbibigay-diin pa ni Romualdez. ROMER R. BUTUYAN