(Lusot na sa Kamara) MANDATORY SIM CARD REGISTRATION

APRUBADO  na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukalang nagsusulong sa mandatory registration ng subscriber identity module o SIM cards.

Tuluyang nakalusot sa plenaryo ng Kamara ang House Bill 5793 o ang “SIM Card Registration Act” sa botong 181 na pabor, 6 na tutol at zero abstain.

Layunin ng panukala na mairehistro ang SIM cards upang masawata na ang anumang krimen o modus na gumagamit ng mobile phones na may postpaid o prepaid SIM cards.

Mabisang hakbang din ito upang makatulong sa mga awtoridad sa pagtunton sa mga kriminal, gaya ng mga sangkot sa kidnapping, terorismo at iba pang ilegal na aktibidad.

Hangad ng panukala na maging responsable at magkaroon ng pananagutan ang may-ari ng SIM cards upang maiwasan ang anumang iregularidad o krimen.

Kapag naisabatas, ang SIM card user ay kailangang magprisinta ng isang valid ID na mayroong litrato at magbigay ng ilang importanteng detalye gaya ng pangalan, kaarawan at address; at pipirma sa isang control-numbered registration form na mula sa Public Telecommunications Entity (PTE).

Hindi lamang mga Pilipino kundi maging ang mga dayuhang nasa bansa na gagamit ng serbisyo ay obligado na ring magparehistro ng SIM card. CONDE BATAC