(Lusot na sa Kamara)10-DAY SERVICE INCENTIVE LEAVE SA WORKERS

GANAP nang inaprbuahan ng Kamara ang panukalang batas na magbibigay ng 10 araw na service incentive leave sa mga empleyado sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Article 95 ng Presidential Decree No. 442 o ang Labor Code of the Philippines.

Sa botong 273 ang pabor, pasado na sa third and final reading ang House Bill No. 988, na naglalayong madagdagan ang service incentive leave with pay sa mga empleyadong mahigit isang taon nang nagtatrabaho sa alinmang kompanya sa bansa.

Ayon kay Baguio City Rep. Mark Go, tulad ng nakasaad sa original provision ng nabanggit na batas, exempted sa panukalang ito ang mga kompanyang nagpapatupad na ng naturang panuntunan at yaong mga establisimiyentong may 10 pababa lamang ang mga manggagawa.

Dagdag pa ng kongresista, na siyang principal author ng HB 988, sa ilalim ng PD 442, hindi mandatory ang pagbibigay ng sick leave at vacation leave ng mga employer dahil nasa prerogative nila ito o kaya’y base sa nilagdaang kontrata ng isang empleyado at kung nakasaad sa collective bargaining agreement (CBA)

Subalit giit ng Baguio City lawmaker, malinaw naman na nakasaad sa Labor Code na kinakailangang mabigyan ng service incentive leaves o SIL ang mga manggagawa.

Sinabi ni Go na kapag naisabatas na ang panukalang gawing 10 araw ang service incentive leave, tiyak na mapatataas nito ang moral at pagiging produktibo ng mga empleyado, gayundin ang pagpapabuti sa kanilang kalusugan.

ROMER R. BUTUYAN