(Lusot na sa Kamara)SIM CARD REGISTRATION BILL

APRUB na sa Kamara ang SIM Card Registration Bill na kabilang sa priority legislative measures ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’Marcos Jr.

Sa botong 250 na pabor, anim na tutol at isang abstain, lusot sa ikatlo at huling pagbasa sa plenaryo ang House Bill No. 14, ang panukalang pagrerehistro sa lahat ng postpaid at prepaid mobile phone subscriber identity module (SIM) cards.

Nauna rito, sa kanyang sponsorship speech, nagpahayag ng pagkabahala si House Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander ‘Sandro’ Marcos (Ilocos Norte 1st. Dist.) sa paglaganap ng text scams at iba pang panloloko sa pamamagitan ng short message service (SMS) messaging.

Ayon sa ranking House official, ang modus operandi na ito ay nag-evolve sa puntong natutukoy ang full name ng mobile phone users na target biktimahin ng text scam.

“These text scams have basically shaken or practically eroded our trust and confidence in electronic commerce and digital transactions. Regulating the purchase or sale of SIM cards, among other things, will put at rest the worries of our people that their information is being arbitrarily and maliciously shared with certain parties without approval,” sabi pa ni Marcos.

Target ng House Bill 14 na mapigilan ang mobile phone scams, data breaches, at matulungan ang iba’t ibang law enforcement agencies na malutas ang kaso ng mga panloloko gamit ang mobile phone units.

Itinatakda nito na ang bawat public telecommunications entity (PTE) authorized seller ay iparerehisto ang buyer ng kanilang SIM cards, sa pamamagitan ng pag-fill up ng huli sa triplicate copy ng isang numbered registration form.

Ang nasabing form ay nagtataglay ng subscriber’s name, date of birth, gender, at address, alinsunod sa valid ID, na may litrato, na isusumite nito at ang mobile number at serial number ng biniling SIM card.

Ang lahat naman ng impornasyon sa registration document ay ituturing na confidential, subalit maaari itong makuha kung may written authorization ng subscriber.

Inaatasan din ang PTEs na mamahala sa registry ng lahat ng subscribers nito at assigned SIM cards, at ito ay isusumite sa National Telecommunications Commission (NTC).

ROMER R. BUTUYAN