PASADO na sa committee level sa Senado ang panukalang batas ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada na magtatatag ng scholarship at return service program para sa mga nursing student sa bansa.
“Para sa mga nagnanais na makapagtapos ng kursong nursing ngunit wala silang pantustos, ito na ang magiging kasagutan sa kanilang alalahanin sa gastusin. Kapalit ng scholarship grant ay ang paninilbihan nila sa kanilang pinagmulang bayan o probinsya,” sabi ni Estrada patungkol sa kanyang inihaing Senate Bill No. 2342 o ang panukalang “Nars Para Sa Bayan Act.”
Ikinatuwa ni Estrada ang hakbang ni Senador Francis Escudero, chairperson ng Committee on Higher, Technical and Vocational Education, na aprubahan “in principle” ang SB 2342 sa isinagawang pagdinig nitong Lunes.
Ang panukalang Nursing Scholarship and Return Service Program (NSRS) ay magbibigay ng pinansyal na tulong sa mga karapat-dapat na mag-aaral sa state universities and colleges (SUCs) o mga pribadong higher education institutions (HEIs) sa mga rehiyon kung saan walang SUCs na nag-aalok ng kursong Nursing. Sinasaklaw ng programa ang halos lahat ng gastos ng mag-aaral.
Sa ilalim ng programang NSRS, tutustusan ng pamahalaan ang iba’t ibang bayarin gaya ng matrikula at iba pang gastusin sa paaralan maging ang pangangailangan sa pambili ng mga libro at kagamitan, uniporme, pambayad sa dormitory at transportasyon. Bukod dito, magbibigay rin ng karagdagang tulong pinansiyal para sa bayarin sa nursing board review, licensure at internship, gayundin para sa taunang medical insurance at iba pang mga gastusing may kaugnayan sa edukasyon.
Inaatasan ang mga estudyanteng nasa ilalim ng NSRS na kumuha ng full load ng kanilang subjects sa bawat semester at kumpletuhin ang kurso sa loob ng itinakdang panahon ng SUC o HEI.
Bukod dito, kailangan silang kumuha ng board examination sa loob ng isang taon ng kanilang pagtatapos ng mandatory internship program at tuparin ang return service na nakasaad sa panukalang batas.
Kapag pasado na sa Nursing Licensure Examination (NLE) na pinangangasiwaan ng Professional Regulation Commission (PRC), ang iskolar ay dapat na maglingkod sa isang government public health office, pampublikong ospital o anumang pampublikong pasilidad pangkalusugan sa kanyang bayan o probinsya o sa mga munisipalidad na malapit sa kanyang lugar.
Kailangang maisagawa at makumpleto ng iskolar ang return service work sa loob ng tatlong taon mula sa pagpasa sa NLE. Doble ng halaga ng scholarship at iba pang benepisyo ang kailangang ibalik ng iskolar sakaling bigo itong maisakaturapan ang return service work sa itinakdang panahon sa ilalim ng panukalang batas, ayon kay Estrada.
“Hindi man mapupunan agad ang kakulangan ng bilang ng mga nurses sa ating bansa sa ngayon na nasa kabuuang 127,000, makasisiguro tayo na mayroong mga lisensyadong nurses na makapagsisilbi sa kanilang kinalakihang probinsya o bayan kapag nakapagtapos na sila ng kursong nursing at pumasa na sa licensure exam,” dagdag pa ng senador.
-VICKY CERVALES