LUYA: BENEPISYO AT MGA PUTAHENG NILALAGYAN NITO

LUYA

ISA PA sa rekado o pansahog sa lutuin na hindi nawawala sa ating mga kusina ang luya. Isa itong halamang ugat na nakapagpapabango at nakapagpapasarap sa maraming lutuin. Kadalasan din natin itong inihahalo sa tinola at maging sa arroz caldo o lugaw.

Ngunit hindi lamang ito pampasarap ng lutuin at pampabango. Marami pa itong benepisyo sa katawan. Mainam ang luya na panggamot sa pananakit ng lalamunan. Kung nananakit naman ang sikmura at hirap sa pagtunaw ng pagkain, nakabubuti ang pag-­inom ng nilaga o pinakuluang luya. Kadalasan din, ang mga taong may ubo ay pinaiinom ng luya o salabat.

Narito ang ilan pa sa benepisyo ng luya sa katawan at kalusugan:

FIGHT INFLAMMATION

Ayon sa health.com, nagtataglay ng antioxidants na kung tawagin ay gingerol ang luya. Nakatutulong ito upang maibsan ang pamamaga.

Sa ilang mga pag-aaral, lumabas na ang ginger extract supplements at topical ginger ointment ay nakatutulong upang mabawasan ang stiffness at pain sa mga taong may osteoarthritis.

Pero bago rin gumamit ng supplements, kailangan munang kumunsulta sa doctor para magabayan.

NAKATUTULONG UPANG MAIBSAN ANG MENSTRUAL CRAMPS

LUYA-5Kung may isa mang pinoproblema ang kababaihan, iyan ang menstrual cramps na nararanasan buwan-buwan. Kaya imbes na uminom ng pain reliever, mas mainam ang pag-inom ng natural na pampawala ng sakit gaya na nga lang ng luya. Hindi ka pa kaka­bahan dahil wala itong side effect gaya ng ilang pain reliever sa merkado.

FIGHTS FUNGAL INFECTIONS

Mainam din ang luya sa may mga fungal infection dahil sa anti-fungal properties na taglay nito. Kaya naman, sa may mga problema o fungal infection, kahiligan ang luya. Maaari itong inumin na parang salabat. Puwede rin naman itong isama sa mga lutuin.

NAKAPAGPAPA-IMPROVE NG BRAIN FUNCTION

Ayon naman sa draxe.com, may kinalaman ang oxidative stress at chronic inflammation sa brain sa pagkakaroon ng kondisyon gaya ng Alzheimer at Parkinson. Sa 2012 study, nakitang ang ginger extract ay nakatutulong para ma-improve ang cognitive function at attention sa middle aged women.

Sa totoo lang, wala namang masama kung susubukan natin ang luya. Isa nga naman itong halaman na gina­gamit ng mga ninuno pa natin sa paggamot ng iba’t ibang uri ng sakit.

At dahil sa sinasabing epektibo ito, narito ang dalawa sa mga lutuing puwedeng samahan ng luya:

GINGER HOT CHOCOLATE

LUYAKung may inumin man na kinahihiligan o kilala ng marami na may sangkap na luya, iyan ang salabat. Napakasarap nga naman higupin o inumin ng salabat lalo na kapag malamig ang panahon.

Noong bata pa ako at nakatira kami sa Batangas, napasasama ako sa simbang gabi dahil lamang sa salabat at bi­bingka. Hindi nga naman maitatanggi ang tamis at anghang ng salabat na pinaresan mo pa ng mainit na bibingka.

Kunsabagay, isa nga naman ang bibingka at salabat sa masarap na magka-partner. Ngunit ang nakagawiang salabat ay puwedeng-puwede pa palang i-upgrade at pasarapin. Kaya sa mga nag-iisip ng panibagong paraan ng paggawa ng inuming may sangkap na luya, subukan ang Ginger Hot Chocolate.

Ang mga sangkap sa gagawing Ginger Hot Chocolate ay ang gatas, tubig, asukal, ground ginger, cocoa powder, kaunting asin at vanilla extract.

Ang gawin lang ay pagsamahin sa lutuan ang tubig at gatas. Kapag kumulo na ay hinaan ang apoy saka ilagay ang cocoa powder, asin at ang luya. Haluing mabuti. Kapag naluto na o kumulo na, lagyan na ng vanilla extract.

Puwede na itong ihanda sa buong pamilya. Simple at panibagong paraan ng paghahanda ng inuming may sangkap na luya.

Kaya naman sa paborito ang hot chocolate, subukan na ang Ginger Hot Chocolate.

CHICKEN WITH GINGER

LUYAKung mahilig ka naman sa manok, isa naman sa puwede mong subukan ang Chicken with Ginger. Isa rin ang putaheng ito sa napakasarap ihanda sa buong pamilya.

Ang mga sangkap na kakailanganin sa paggawa nito ay ang mantika, luya, boneless chicken na hiniwa-hiwa, bawang, sibuyas, toyo, suka at asukal.

Sa paggawa nito, balatan lang ang luya at hiwain ng maninipis at pahaba. Kapag nahiwa na ito, ibabad na sa malamig na tubig. Matapos na maibabad ng sampung minuto, patuluin.

Pagkatapos, magsalang ng kawali at lagyan ng mantika. Lutuin na ang chicken na hi­niwa-hiwa ng naaayon sa gustong laki. Kapag naluto na ang manok, itabi na muna.

Sa parehong kawali o sa ginamit na kawali, lutuin naman ang luya, bawang at sibuyas. Pagkatapos ay lagyan ito ng toyo, suka at asukal. Takpan muna. Pagkalipas ng ilang minuto, ilagay na ang manok.

Ganoon lang kasimple at puwede na itong pagsaluhan ng buong pamilya.  Masarap itong kapares ng umuusok pang kanin.

Talaga nga namang napakaraming benepisyo ng luya at putaheng puwedeng sangkapan nito. Ang mga nasa itaas ay ilan lamang sa mga benepisyo at recipe na puwede nating subukan. CT SARIGUMBA

Comments are closed.