NARAMDAMAN sa Metro Manila ang magnitude 5.9 na lindol na tumama sa timog-silangan ng bayan ng Lubang ng Occidental Mindoro nitong Martes ng hapon.
Sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naramdaman ang lindol dakong alas-4:36 ng hapon at may lalim na 79 kilometro.
Naramdaman ang tinatayang intensity 5.5 sa Tagaytay City at may lalim na 69 kilometro habang intensity 4 naman sa Metro Manila.
Kaugnay nito, pansamantalang itinigil ang operasyon sa LRT-2 matapos maramdaman ang lindol.
Naputol din naman ang pagdinig ng Kongreso sa SMNI sa pamamagitan ng alarma at advisory para sa mga tao na lisanin ang gusali kasunod ng malakas na pagyanig.
Ang mga empleyado, panauhin at opisyal ng House of Representaties ay agad na lumikas sa sesyon ng plenaryo at sa kanilang mga tanggapan pagkatapos tumunog ang alarma sa lindol.
Agad naman naglabasan ng session hall ang mga Senador palabas ng gusali ng Senado dulot ng biglang paglindol.
Lumabas din sa kanilang mga gusali ang mga police personnel at empleyado sa Camp Crame sa Quezon City dahil sa pagyanig.
Ang mga manggagawa ng Climate Change Commission at iba pang nangungupahan sa Malacañang Complex ay hiniling na lumikas matapos maramdaman ang pagyanig sa ilang bahagi ng Metro Manila. EVELYN GARCIA