(M7.2 lindol sa NCR, libong casualties posible) EARTHQUAKE DRILLS SERYOSOHIN- DND

INIHAYAG ng Philippine Institutes of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na posibleng umabot sa 33,000 ang bilang ng masasawi at masasaktan sakaling sa Metro Manila tumama ang magnitude 7.4 na lindol na naganap kamakailan sa Surigao del Sur .

Ito ang dahilan kaya nanawagan si Defense Secretary Gilberto Gibo Teodoro sa publiko na seryosohin ang mga isinagawang earthquake drill kasunod na rin ng lindol na naganap sa Sarangani at Surigao del Sur.

Hindi rin inaalis ng mga eksperto na magkaroong ng magkasunod o magkasabay na malakas na paglindol sa Pilipinas dahil sa dami ng active fault lines .

Nilinaw ni Phivolcs chief Teresito Bacolcol na ang naganap na Nobyembre 17 lindol sa Sarangani ay hindi konektado sa naganap na paglindol kamakailan sa Hinatuan, Surigao del Sur dahil sa magkaiba umanong earthquake generators ang dahilan ng pagyanig.

“We have 6 active trenches and we have 175 active faults, so there is always a probability na pwedeng magkasabay,” anang eksperto.

Dahilan ito para muling ipaalam sa sambayanan na ang kahalintulad na magnitude 7.2 earthquake na nagmumula West Valley Fault ay maaaring dahilan ng pagkakaroon ng 33,000 casualties sa Metro Manila kung kaya’t dapat lamang na seryosohin ng publiko ang mga isinasagawang earthquake drills.

Kaugnay nito, pinuri ni Teodoro ang naging maagap na pagkilos ng Office of Civil Defense kasunod ng lindol na tumama sa Hintuan nitong Sabado ng gabi na sinasabing may isang babaeng buntis ang nasawi at may 4 na sugatan.

“Awa ng Diyos hindi malaki ang danyos na nangyari sa lindol na ito,” anang kalihim.

Ang NDRRMC ay inilagay sa Blue Alert nitong Linggo para sa tuloy tuloy na monitoring at damages assessment.

Patuloy naman ang koordinasyon ng OCD sa NDRRMC at local disaster risk reduction and management offices tungkol sa naganap na magnitude 6.8 lindol na tumama sa Sarangani, Davao Occidental na kumitil ng 11 katao. VERLIN RUIZ