ISABELA-MAAARING patawan ng parusang administratibo o kriminal ang mga business establishment na patuloy na maaaktuhang nagbebenta ng mga uncertified products na walang Philippine Standard Mark o ICC stickers.
Ayon kay DTI consumer division protection chief Elmer Agorto, nakadepende umano sa bigat ng paglabag ang maaaring ipataw na parusa sa retailers at manufacturers.
Paglilinaw nito, iniendorso na umano nila sa Provincial Office ang mga mahuhuling lumalabag sa RA 7394 o Consumer Act of the Philippines kung saan ang kanilang adjudication office na ang tutukoy ng ipapataw na parusa.
Aniya, mayroong sinusunod ang DTI na table of fines kung saan aabot ng P25, 000 ang basic fine hanggang P350,000 ngunit ito umano ay “per type per product” at hindi pa kabilang ang dami ng uncertified product na ibinebenta anuman ang volume nito.
Kaugnay dito, tinatayang nasa 800,000 na ang naitalang penalty ng ahensiya mula noong 2019.
Samantala, kahapon ay isinagawa ng DTI ang pagsira sa mga nakumpiskang uncertified products mula noong 2019 na tinatayang nagkakahalaga ng P368,160.
Dagdag pa ni Agorto, ang mga nasabing mga produkto ay settled na bago pa man isagawa ang naturang disposisyon o pagsira sa mga ito.
Ang mga hindi sertipikadong produkto partikular ang mga electrical product ay hindi umano maaaring ibinebenta sa merkado dahil maaaring hindi ito ligtas para sa mga konsyumer na gagamit.
IRENE GONZALES