100 SAF MEMBERS IKAKALAT SA MGA LUGAR NA NASA MEMO 32

Benigno Durana

CAMP CRAME – KASABAY ng pagtatakda ng pulong para sa Joint Peace and Security Coordinating Council ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police, nasa 100 miyembro ng Special Action Force ang ipakakalat sa mga lugar na tinukoy sa Memorandum  Order 32 ng Malacañang.

Ito ay para talaka­yin at plantsahin kung paano ipatutupad ang inilabas na kautusan na nag-aatas sa kanila na magdagdag ng puwersa sa limang lugar sa bansa na may malakas na puwersa ng Communist Party of the Philippines –New People’s Army at National Democratic Front (CPP-NPA at NDF).

Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Benigno Durana, ang 100 SAF deployment bilang tugon sa naturang kautusan para isekyur ang mga tukoy na lugar laban sa karahasan.

Subalit nakadepende pa rin aniya sa magiging resulta ng isasagawang pulong ang kabuuang bilang ng puwersang kanilang idaragdag sa mga nabanggit na lugar dahil kanila pang titingnan ang kabuuang sitwasyon sa mga naturang lugar.

Samantala, tu­manggi munang magbigay ng komento hinggil dito ang panig ng AFP subalit tiniyak ng tagapagsalita nitong si BGen. Edgard Arevalo na susuportahan nila ang anumang hakbang upang masupil ang pagkalat ng karahasan sa ngalan ng kapayapaan

Kasunod nito ay napaulat din na ang mga tukoy na lugar ay ­maaaring ituring na election hotspot. EUNICE C.

Comments are closed.