PASKO nga naman ang isa sa panahong pinaghahandaan ng marami sa atin. Talagang marami sa atin ang pinag-iipunan ito makauwi lang sa kani-kanilang pamilya. Gayunpaman, may mga empleyado at estudyanteng naninirahan sa lungsod o malayo sa kani-kanilang pamilya ang hindi makauuwi.
Hindi rin kasi biro ang trabahong nakaatang sa maraming empleyado lalo na iyong kahit na holiday ay kailangang magtungo sa opisina. Ang ilan namang estudyante, budget ang inaalala.
May ilan nga namang gustuhin mang makasama ngunit sadyang ayaw ayunan ng pagkakataon at hindi natutuloy ang pag-uwi.
Hindi nga rin naman maiiwasan ng ilang estudyante gayundin ng mga empleyadong manatili na lang sa kanilang tinutuluyan kapag Pasko.
Sa mga estudyanteng malayo sa pamilya ngayong Pasko, narito ang ilang tips na maaaring gawin para kahit na papaano ay maka-survive o malampasan:
LUMABAS KASAMA ANG MGA KAIBIGAN O KAKLASE
Malungkot mang isipin ngunit dumarating talaga ang pagkakataong hindi natin nakakasama ang ating pamilya sa mga natatanging okasyon gaya na nga lang ng Pasko. Maaaring trabaho ang dahilan o kaya naman ay ang kawalan ng budget.
At sa mga pagkakataong nalulungkot tayo dahil malayo tayo sa ating pamilya, sa mga kaibigan tayo tu-matakbo. Imposible rin namang wala tayong mga kaibigan.
Sa ganitong panahon, para kahit na papaano ay sumilay ang ngiti sa ating labi, isa sa mainam gawin ay ang paglabas kasama ang mga kaibigan at kaklase.
Kung wala naman kayong gaanong budget, maaari kayong mag-stay lang sa bahay at mag potluck.
Hindi naman kailangang mahal ang mga pagkaing inyong ihahanda. Kahit pika-pika lang ay okey basta’t mayroon lang mapagsasaluhan.
TAWAGAN ANG PAMILYA
Isa rin sa magandang gawin kapag malayo sa pamilya at holiday ay ang pagtawag sa mga ito. Maaaring gamitin ang social media gaya ng messenger at viber. Swak nga naman ang mga nasabing platform para sa video call.
Hindi rin lang din ito kapag holiday puwedeng gawin kundi kahit na anong oras o panahon na nami-miss mo ang iyong pamilya o mahal sa buhay.
MAGSIMBA KASAMA ANG MGA KAIBIGAN
Magandang option din naman ang pagsisimba sa mga ganitong panahon. Kung malayo ka sa pamilya mo, maaari mong yayain ang mga kaibigan mong magsimba nang mayroon kang makasama.
Kung hindi naman sila available, puwede ka rin namang magsimbang mag-isa.
MAG-ARAL NG BAGONG SKILL
Kaysa nga naman malungkot ka dahil malayo ka sa pamilya mo, bakit hindi mo subukang gamitin ang nasabing panahon para makapag-aral ng bagong skill o mapagyaman mo pa ang iyong kakayahan.
Maaaring subukan mo ang pagbe-bake. Puwede rin namang magbasa ka o magsulat ng essay. Magan-dang paraan din ito para mahasa ang iyong kaalaman at kakayahan.
O kaya naman, puwede kang maghanap ng part time job nang hindi ka mabagot o malungkot.
Magkakapera ka na nga naman, naging makabuluhan pa ang oras mo at panahon.
MAG-EHERSISYO AT MAGPAHINGA
Maaari rin namang magamit ang panahong ito upang makapag-ehersisyo at makapagpahinga.
Sobrang busy nga naman ng maraming estudyante. Nariyan nga naman ang kaliwa’t kanang projects.
At dahil sa kaabalahan din sa tuwing may pasok, kung minsan ay nakaliligtaan na ng bawat estudyan-teng mag-ehersisyo, gayundin ang magpahinga.
Sa rami nga naman ng kailangang gawin, talagang mawawalan na ang kahit na sino ng panahong mag-exercise at makapag-relax.
Kaya naman, kung malayo ka sa pamilya mo ngayong holiday, maaari mong gamitin ang nasabing panahon para makapag-ehersisyo at makapagpahinga.
Naging fit ka na nga naman, nakapag-relax ka pa sabihin mang malayo ka sa mga mahal mo. Mainam din ito para hindi ka gaanong malungkot.
Kung iisipin nga naman natin, malulungkot tayo lalo na kung ang ilan sa mga kakilala o kaibigan natin ay kasama ang kani-kanilang pamilya.
Gayunpaman, kaysa sa malungkot, gawin nating makabuluhan ang araw o panahon natin. Gumawa tayo ng makabuluhang bagay.
Palawakin pa natin ang ating kaalaman at kakayahan. CT SARIGUMBA
Comments are closed.