MAAARING SOLUSYON SA MGA PASAWAY NA DRAYBER ANG SINGLE-TICKETING SYSTEM NG MMDA

HAAAY, salamat. Sa wakas ipinasa na ng Metro Manila Council (MMC) ang single-ticketing system na iiral na ang implementasyon sa mga susunod na buwan. Matatandaan na magulo ang sistema noon sa mga parusa sa mga lumalabag sa batas trapiko dito sa Metro Manila.

Iba kasi dati ang penalty na ipinapataw ng MMDA sa mga ibang lungsod na nasasakupan ng Metro Manila.

Kadalasan ay hindi rin pareho ang halaga ng penalty na dapat bayaran ng isang motorista na lumabag sa isang batas trapiko. Hindi rin alam kung saan babayaran at paano masisiguro ng isang motorista kung naabswelto na siya sa paglabag sa batas trapiko. Kung minsan kasi ay doble doble na ang singil mula sa MMDA at sa ibang lungsod sa Metro Manila sa mga penalty ng traffic violation.

Sa totoo lang, malaki na ang pagbabago ng pananaw ng ating mga traffic enforcer sa kanilang trabaho. Dati rati ay kilala ang ating mga traffic enforcers bilang madaling aregluhin. Maglalagay ka lang ng salapi sa iyong lisensiya bilang senyales na hindi na kailangang magbigay ng ticket violation ang nasabing enforcer.

Puwes nitong mga nakaraang taon, tila ang liderato ng MMDA ay matagumpay na ipinamalas sa kanilang mga tauhan ang dangal ng kanilang trabaho. Kasama na rito ang halaga ng pagsasaayos sa lumalalang trapiko sa Metro Manila. Totoo naman. Isa sa bagay na nakakadagdag sa trapiko ay ang pagkawala ng disiplina ng karamihan ng mga motorista.

Hihinto o kaya naman paparada sila sa lansangan na nakapagbibigay ng pagsikip ng daloy ng trapiko. Bukod pa diyan ay ang mahilig mag-counterflow sa kalsada o kaya naman ay ang hindi pagsunod sa traffic lights sa ating mga intersection.

Kaya naman ang pagpapasa ng single-ticketing system ng MMC na ipatutupad ng MMDA ay masasabing malaking solusyon sa problema natin sa trapik. Bakit? Abay mapipilitan na ang mga motorista na sumunod at maging mapagmasid sa pagsunod ng batas trapiko.

Ayon sa ipinalabas ng MMDA kamakailan, inilatag nilang mabuti kung ano-ano ang mga batas trapiko na dapat na sundin. Kaakibat nito ay ang halaga ng penalty na kailangang bayaran kapag nilabag ang nasabing mga batas trapiko. Hindi ko na kailangang isulat dito. Bisitahin lamang ang website ng MMDA para sa mga detalye nito.

Napakasimple lang po. Doon sa mga umaangal na mataas ang mga penalty kapag nilabag ang batas trapiko, aba’y ang sagot lamang diyan ay umayos ka sa iyong pagmamaneho upang hindi ka magbayad.

Saludo ako kay MMDA Chairman Atty. Don Artes. Palagay ko ay isa siya sa mga matatawag natin na ‘the right man for the right job’ sa administrasyon ni BBM. Hindi po ako sumisipsip ha? Katotohanan lang po.

Sa Chairman Artes ay matagal na rin sa MMDA. Alam niya ang mga solusyon sa mga problema ng MMDA upang magampanan nito ang kanilang mandato. Matapos na maibalik si Artes sa MMDA upang palitan si Engr. Carlos Dimayuga, hindi na niya kailangan kapain ang mga susunod na mga hakbang upang mapabilis ang implementasyon ng mga proyekto at plano para sa MMDA.

Nagsimula si Artes bilang assistant GM for admin and finance. Ginawa siyang GM ni dating MMDA Chairman Benhur Abalos na kasalukuyang DILG Secretary. Noong nagbitiw si Abalos bilang pinuno ng MMDA, inirekomenda niya si Artes bilang kapalit niya. Dito natin makikita ang galing sa pag-manage ni Artes at lalim ng kanyang kaalaman sa mga problema sa MMDA. Nakita ni Abalos ang mga katangian kay Artes na maaaring magpatuloy ang mga magagandang plano para sa MMDA.

Sana ay ipagpatuloy ni Artes ang mga pagbabago at inobasyon sa MMDA. Mabuhay ka, Chairman Artes.