ILOILO CITY — Nagsagawa ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng orientation at learning session upang lalong magkaraoon ng kaalaman ang mga CARP (Comprehensive Agrarian Reform Program) Infrastructure Monitoring and Evaluation focal persons na kailangan upang mas epektibong mapamahalaanan ang mga proyektong farm-to-market roads (FMRs) sa kanayunan.
Sinabi ni DAR Support Services Office Undersecretary Rowena Niña O. Taduran na ang aktibidad ay bilang suporta sa pangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magpagawa at mapanatili ang mga FMR sa kanayunan upang palakasin ang sektor ng agrikultura at matiyak ang seguridad sa pagkain, habang binigyang-diin din niya ang epekto ng mga proyektong ito, lalo na sa panahon ng tag-ulan.
“Ang mga farm-to-market roads ay hindi lamang kalsada; nagiging taga-salba ng buhay ng mga agrarian reform beneficiaries (ARBs), lalo na kapag may bagyo, kung saan naseseguro nito ang mga daanan patungo sa pamilihan kahit na sa masamang kondisyon ng panahon,“ aniya.
Pinagsama-sama ng aktibidad na ito ang mga kalahok mula sa mga rehiyon ng CAR, I, II, III, CALABARZON, MIMAROPA, at VI sa Iloilo City, kung saan kanilang ginalugad ang National FMR Road Networks Plan at sinuri ang mga pangunahing aspeto ng pagpapatupad ng FMR.
Kasama ring tinalakay ang pangkalahatang-ideya ng memorandum of agreement sa Department of Public Works and Highways at Local Government Units, mga resposibilidad ng mga focal persons sa antas ng lalawigan at rehiyon, at mga kinakailangan sa pag-uulat.
Binigyang-diin din ni Western Visayas Regional Director Leomides R. Villareal ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga proyektong pang-imprastraktura sa pagkonekta ng mga lupaing ipinagkakaloob sa mga ARB tungo sa iba’t ibang pamilihan at sentro ng kalakalan.
“Ang mga kalsadang ito ay mahalaga sa ating mga ARBs, dahil pinadadali at pinabibilis nito ang paghataid ng mga produkto ng mga magsasaka na nakatutulong sa kanilang mga kabuhayan,” aniya.
Sa pamamagitan ng CARP infrastructure projects, naipagpapatuloy ng DAR ang misyon nito na makapaghatid ng mga mahalagang suportang serbisyo, mapalakas ang sektor ng agraryo at makapagkaloob ng mas magandang pangkabuhayan sa mga ARB sa buong bansa. MA. LUISA MACABUHAY-GARCIA