MAAGANG LIDERATO SA LADY ALTAS

DINISPATSA ng University of Perpetual Help System Dalta ang Jose Rizal University, 25-23, 16-25, 25-14, 25-22, upang kunin ang maagang liderato sa NCAA women’s volleyball tournament kahapon sa San Andres Sports Complex.

Binitbit nina Mary Rhose Dapol at rookie Shai Omipon ang Lady Altas sa ikalawang panalo habang ipinalasap sa Lady Bombers sa 0-2 record sa kaagahan ng season.

Nauna rito, humabol ang Lyceum of the Philippines University mula sa 1-2 set deficit upang pataubin ang Mapua, 25-20, 16-25, 21-25, 25-22, 15-5, at matikas na simulan ang kanilang kampanya.

Tumapos si Dapol na may career-high 28 points, kabilang ang walong service aces, at kumolekta ng 12 digs habang nagpakawala si Trece Martires City native Omipon ng 19 kills para sa Perpetual, na nanalo sa kabila ng 31 errors.

Nanguna si Sydney Niegos sa scoring para sa JRU na may 14 points, habang nag-ambag si Mary May Ruiz ng 10 kills.

Pinamunuan ni Johna Dolorito ang balanced scoring ng Lady Pirates na may 16 points, habang umiskor sina Jewel Maligmat at Janeth Tulang ng tig-14 points.

Ang pagkatalo ng Lady Cardinals ay sumira sa debut ni rookie Roxie dela Cruz, na gumawa ng limang service aces upang tumapos na may 20 points, 11 digs at 4 receptions.

Samantala, naitala ng Mapua ang kanilang unang panalo sa men’s division kontra LPU, 25-12, 25-13, 25-19.

Naging solid din ang laro ni setter Venice Puzon, ang captain ng Lady Pirates, sa pagkamada ng apat sa kanyang seven points mula sa service line at gumawa ng 18 excellent sets.

Nakalikom si Chenie Batac ng13 points habang nag-ambag si Nicole Ong ng 11 points, kabilang ang 2 blocks para sa Lady Cardinals.