Binigyang-diin ni Senadora Imee Marcos na kailangan nang i-advance ang pamamahagi ng cash gift para sa mga centenarian dahil sa mahal na presyo ng mga pangunahing bilihin at gamot para sa mga matatanda, gaya ng mga sakit sa puso, diabetes, at kidney failure.
Inilatag na sa plenaryo ng Senado ang panukalang batas para sa maagang pagbibigay ng P100,000 cash gift sa mga Filipino na nasa edad 100.
Sa kanyang sponsorship speech para sa Senate Bill 2028, sinabi ni Senador Imee Marcos na kapag ito ay naisabatas ay matatanggap ng mga senior citizen ang mga bahagi ng P100,000 cash gift pagtuntong nila ng 80, 90, at 100 anyos.
Nais din ng Senado na simulan ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang Elderly Management System para sa maayos na pagkalap ng mga impormasyon tungkol sa mga senior citizen na 80-anyos pataas.
Gagawin ito sa tulong ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Information and Technology (DICT), National Commission on Senior Citizens, at local government units.
“Meron tayong kasabihan: Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo? Dapat mapakinabangan ng ating mga lolo’t lola ang kanilang nararapat na benepisyo habang sila’y buhay pa. Sa awa ng Diyos, mabibigyan pa tayong lahat ng mahabang buhay. Sana’y hindi natin maramdaman ang pagka-balewala sa ating pagtanda,” dagdag pa ni Marcos.