MAAGANG PASOK SA SCHOOL PINATITIGIL SA KAMARA

STUDENT-3

GAWING alas-8:30 ng umaga ang simula ng ‘class hours’ sa lahat ng paaralan para na rin sa kapakanan ng mga estudyante.

Ito ang nakasaad sa  panukalang batas  ni Bacolod City Rep. Greg Gasataya kaugnay sa pagtatakda ng oras sa pagpasok sa eskuwelahan kapwa ng mga mag-aaral sa elementarya, high school hanggang sa kolehiyo.

Sa kanyang House Bill no. 569, iginiit ng Visayan lawmaker na gawing alas-8:30 ng uma­ga ang simula ng ‘class hours’ sa lahat ng paaralan para na rin umano sa kapakanan ng mga estudyante.

Pangunahing idinadahilan ni Gasataya sa pagtatakda ng simula ng oras ng klase na ito ay ang kasalukuyang estado ng transportasyon sa bansa partikular ang lumalalang problema sa pagsisikip sa daloy ng trapiko.

Bukod pa rito, masyado umanong mabigat ang ‘workload’ ng mga mag-aaral base sa kasaluku­yang K-12 curriculum kung kaya hirap din ang mga ito na gumising nang maaga matapos mapuyat sa paggawa ng kanilang assignments.

Sinabi ni Gasataya na sa ibang parte ng bansa, lalo na sa mga liblib na lugar, ang mga estudyante ay kinakailangan nang mas mahabang oras bago makarating sa kanilang paaralan kung kaya hindi rin akma para sa kanila ang maagang pasok.

Binigyan-diin ng mambabatas na mayroong masamang epekto sa kalusugan ng mga kabataan ang kakulangan sa sapat na oras ng tulog o pahinga, na magiging sanhi rin ng mababang ‘perfomance’ nila sa klase.

“It is the policy of the State to adopt an integrated and comprehensive approach to health development in schools. We must give priority to the physical, mental, and social well-being of students, among others, through a system of education which gives primor-dial interest and concern to the health and safety of students,” ani Gasataya.

Base sa kanyang pakikipag-usap sa mga mag-aaral at magulang na kanyang nasasakupan, marami umano sa mga ito ang pabor sa pagbabago sa oras ng simula ng klase.

Ilang bansa na rin umano ang nagbago ng kanilang ‘class hours’, na hindi na kasing aga sa mas nauna nilang oras at base sa ilang research, ay bumuti ang ‘student performance and achievements’ matapos na gawin nila ito.

“This could also help parents who wake up earlier than supposedly to attend to their children’s needs be more productive at work, raise teacher quality, and help working students ma­nage their time,” dagdag ni Gasataya sa pagsusulong sa naturan niyang panukala.        ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.