UMAPELA na ang mga kinatawan ng electric cooperatives sa gobyerno na i-release na ang pondo para sa pagsasaayos ng mga linya at poste ng koryente sa mga lalawigan na sinira ng bagyong Tisoy.
Ayon kay Philreca (Philippine Rural Electric Cooperatives Association Inc.) Rep. Presley de Jesus, dapat na ilabas na ng pamahalaan ang P750 Million na pondo ng Electric Cooperatives Emergency Resiliency Fund (ECERF).
Layon ng RA No. 11039 o ECERF Act na matiyak ang agarang restoration o pagsasaayos ng napinsalang mga impraestruktura pagkatapos tumama ng kalamidad.
Hiniling naman agad ni Ako Padayon Pilipino Rep. Adriano Ebcas, na agad i-mobilize ng electric cooperatives ang kanilang response and rescue teams para matiyak na walang mapapahamak sa mga bumagsak na poste o naputol na linya ng koryente.
Pinatitiyak naman ni Recobida (Rural Electric Consumers and Beneficiaries of Development and Advanceent, Inc.) Rep. Godofredo Guya na agad na maire-restore o maibabalik ng mga electric coop ang suplay ng koryente sa mga lugar na binabagyo.
Sa kabilang banda ay pinatitiyak naman ng House Power Bloc ang kaligtasan din ng mga lineworker na sumusugod sa sama ng panahon maisaayos lamang ang suplay ng koryente. CONDE BATAC
Comments are closed.