MAASIM FARMERS TUMANGGAP NG FARM EQUIPMENT

MAASIM, Sarangani – Nagkaloob ang Department of Agrarian Reform (DAR) dito ng P311,000 kabuuang halaga ng makinarya at kagamitang pangsaka sa Lumasal Agrarian Reform Beneficiaries Organization (LARBO) upanag palakasin ang kanilang produksiyong pang-agrikultural.

Ang mga makinarya at kagamitang pangsaka, na binubuo ng isang coconut dehusking machine, battery-operated knapsack sprayer, at platform weighing scale, ay naipatupad sa ilalim ng Climate Resilient Farm Productivity Support Project’s (CRFPSP) Sustainable Livelihood Support Component.

Ayon kay Provincial Agrarian Reform Program Officer I at CRFPSP Supervisor Marhlie Pasal, layunin ng proyektong ito na i-mechanize ang post-harvest coconut operations ng LARBO upang mapalakas ang kanilang mga aktibidad sa kabuhayan na makatutulong upang madagdagan ang kita ng mga magsasaka na tumanggap ng proyekto.

“Upang makamit ang layuning ito, isaisip ninyo ang kahalagahan ng epektibong paggamit ng mga kagamitang ito.

Binabati ko kayong lahat at hiling ko na sana ay palawakin pa ninyo ang inyong samahan sa pamamagitan ng pag-imbita ng mga dagdag kasapi upang makinabang din sila sa proyektong ito,” ani Pasal.

Sa kanyang pagtanggap, nagpahayag ng pasasalamat si LARBO President Annabelle Pelones sa DAR Sarangani, at tiniyak niyang ang mga bagong kagamitan ay makatutulong sa pagpapanatili ng mga gawaing pang-agrikultura ng organisasyon.

“Nagpapasalamat po kami para sa mga kagamitang pangsaka na ito dahil malaki ang maitutulong nito sa pagpapabuti ng aming operasyon ng niyog,” aniya.

Sa pagtatapos ng seremonya, pinuri ni Municipal Agrarian Reform Program Officer Nasser Mangindra ang matagumpay na kolaborasyon ng iba’t ibang stakeholders at matibay na partnership ng DAR at ng lokal na pamahalaan ng Maasim sa pagpapatupad ng iba’t ibang proyekto.

Layunin ng CRFPSP na pahusayin at mapanatili ang produktibidad ng agrikultura ng mga agrarian reform communities bilang isang hakbang upang makaangkop tungo sa pagbago-bago ng klima.