ANG mga bansang mauunlad gaya ng Japan, China, South Korea, Singapore, France, at iba pa ay may magkakaparehong katangian – ang mga ito ay may maayos na imprastraktura at maayos na sistema ng transportasyon.
Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na malaki ang papel na ginagampanan ng mga proyektong imprastraktura sa paglago ng ekonomiya dahil ito ang isa sa mga pangunahing konsiderasyon ng mga foreign investor sa pamumuhunan. Malaki rin ang tulong nito sa lokal na komersyo at kalakalan.
Isang napakagandang halimbawa rito ay ang Singapore. Bukod sa napakalinis at napakaluwag na mga daanan, kapansin-pansin na mas gusto ng mga mamamayan dito na gamitin ang mga pampublikong transportasyon sa halip na magmaneho ng sariling sasakyan.
Napakaganda kasi ng railway system sa bansang ito kaya ang mga mamamayan ay mas pinipiling mag-relax habang bumabiyahe kaysa aksayahin ang kanilang panahon sa pagmamaneho. Ang resulta, mas nagiging produktibo ang mga ito.
Batid ang kahalagahan ng pagkakaroon ng maayos na imprastraktura, iniutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na tapusin sa lalong madaling panahon ang mga naumpisahang tulay, lalo na yaong mga tatawid sa mga malalaking ilog upang mapaigting ang network ng transportasyon sa bansa. Ito ang inanunsiyo kamakailan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ang programang ito ukol sa mga tulay o ang Bridge Program ay bahagi ng “Build Better, More” (BBM) ng kasalukuyang administrasyon. Ang BBM Program ay ang pinalawak na programang ‘Build Build Build’ ng nakaraang administrasyong Duterte. Bukod sa pagpapalawig ng programa, layunin din nitong maipagpatuloy ang mga proyektong imptrastraktura ng nakaraang administrasyon.
Isa sa mga ginagawang tulay sa bansa ang Panguil Bay Bridge na may habang 3.77 kilometro na magdudugtong sa Tangub City, Misamis Occidental at Tubod, Lanao del Norte. Tinatayang nasa 60% na ang kasalukuyang progreso nito, at ang pagtatapos nito ay magreresulta sa pagpapabilis ng biyahe sa pagitan ng dalawang probinsya. Mula sa dalawa’t kalahating oras, ito ay inaasahang magiging pitong minuto na lamang.
Ayon kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, sisikapin ng departamento na matapos ang tulay sa Disyembre 2023, at mismong si PBBM daw ang dadalo sa inagurasyon ng nasabing tulay. Ito ang magiging kauna-unahang malaking proyekto na pasisinayaan ng Pangulo kapag nagkataon.
Bukod sa Bridge Program, kabilang din sa mga partikular na imprastrakturang itinutulak sa ilalim ng BBM Program ang Network Development Program at Asset Preservation Program. Layunin ng Network Development Program na mapalawig ang connectivity at mga road system sa bansa. Samantala, ang Asset Preservation Program naman ay tututok sa maintenance, rehabilitasyon, at reconstruction ng mga imprastraktura sa bansa.
Ang pagpapatuloy ng mga proyektong inumpisahan sa ilalim ng BBB ni dating Pangulong Duterte ay isang napakahusay na hakbang ng kasalukuyang administrasyon dahil tiyak na mas magiging madali at mapapabilis ang pagpapaunlad sa ekonomiya ng Pilipinas.
Sa State of the Nation Address (SONA) ni PBBM noong Hulyo, ipinahayag niya na ang “backbone” ng isang ekonomiya ay ang imprastraktura nito kaya bukod sa pagpapatuloy ng mga proyekto ng sinundan nitong administrasyon, mas palalawigin pa ito.
Sa katunayan, ayon sa Department of Budget and Management (DBM), nasa prayoridad ng pamahalaan ang budget para sa BBM Program. Nagkakahalagang P1.196 trilyon ang inilaang budget para sa mga proyektong imprastraktura ng bansa sa susunod na taon. P718.4 bilyon ang matatanggap ng DPWH, at P167.1 bilyon naman ang mapupunta sa Department of Transportation (DOTr). Ilan sa mga malalaking proyektong imprastraktura para sa transportasyon ay ang North-South Commuter Railway, Metro Manila Subway Project, at ang Light Rail Transit (LRT) Line 1 Cavite Extension Project.
Ang 2023 National Expenditure Program (NEP) ay nasa P5.268 trilyon. Ito ang pinakamalaking budget sa kasaysayan ng Pilipinas. Ang mungkahing budget na ito ay susuriin muna ng Kamara, at isusumite naman sa Senado.
Ang halaga ng mungkahing budget para sa susunod na taon ay sumasalamin sa magagandang plano ng kasalukuyang administrasyon. Nawa’y ma-aprubahan ang nasabing budget at gamitin nang tama at maayos ng iba’t ibang departamento para sa pangkalahatang pag-unlad ng bansa. Ang imprastraktura ay hindi lamang magpapalago sa ekonomiya ng bansa kundi maghahatid din ng kaginhawaan sa mga mamamayan.