TOKYO, Japan – Malaking bagay ang kampanya ng MMDA laban sa paglilinis at pagtanggal ng mga ilegal na vendors istraktura at mga nakahambalang na sasakyan sa mga sidewalk. Ito ang bumabara sa daloy ng lakad ng ating mga mamamayan. Dahil dito, sila ay napipilitan na maglakad sa kalsada. Maaari ring mapanganib ito sa kanilang buhay kapag nahagip sila ng mga rumaragasang sasakyan.
Hindi na kaila ito sa atin. Halos regular na nalalaman natin sa balita ang mga kaso ng ‘hit and run’. Marahil dahil hindi na alam ng mga tao kung ano ang dapat sundin sa mga dapat na tawiran sa ating mga kalsada. Ganoon din sa mga walang disiplinang motorista, lalo na ang mga nagmomotorsiklo na pati ang sidewalk ay ginagamit nila bilang daanan nila upang makalusot sa mabigat na trapiko.
Sa aking pagbisita rito sa Tokyo, ako ay napapailing sa kaayusan ng kanilang trapiko rito. Tulad ng mga progresibong bansa, sila ay tumutupad sa batas-trapiko. Ang kanilng sidewalks ay napakalawak at walang mga nakahambalang na ilegal na vendors. Maganda ang daloy ng pedestrians kahit na sobrang dami nila na akala mo ay mga langgam na naglalakad sa siyudad. Maganda ang kanilang mass transportation system kaya naman nahihikayat ang mga tao na gumamit na lang ng tren imbes na magdala ng sasakyan.
Ang nakamamangha pa ay alam naman natin na ang bansang Japan ay isa sa mga nagungunang bansa na gumagawa ng mga maganda at kalidad na sasakyan. Subalit hindi naman kasing dami ng sasakyan ang nakikita ko rito tulad sa Pilipinas. Bakit? Dahil dito sa Japan, binabalanse nila ang dami ng sasakyan. Kapag luma at sirain na ang kanilang sasakyan, mahigpit ang parusa kapag ito ay mahuli. Dagdag pa rito, mas mataas ang singil ng pagpaparehistro ng mga lumang sasakyan dito. Mataas ang insurance coverage at mahigpit na sinusuri ng ahensiya ng kanilang gobyerno sa transportasyon kung ito nga ay ‘road worthy’.
Hawig naman ang iba mga polisiya natin sa kanila. Nagkakaiba lamang sa lebel ng higpit sa pagpapatupad nito. Ngunit nakikita at nararamdaman na natin na seryoso na ang ating pamahalaan sa pamamagitan ng walang tigil na operasyon na isinasagawa ng MMDA at ng I-ACT o Inter-Agency Council for Traffic.
Kasama rito ang DOTr kung saan aktibo ang kanilang ahensiya tulad ng LTO at LTFRB. Kasama rin sa I-ACT ang Highway Patrol Group ng PNP.
Ayon sa kanilang datos, 99% ang itinaas ng mga paghuli o apprehensions sa mga lumabag sa batas-trapiko sa unang tatlong buwan ng 2018. Sabi ng I-ACT, 4,132 ang hinuli sa paglabag mula Enero hanggang Mayo. Mas mataas noong Septyembre hanggang Disyembre noong nakaraang taon na may 1,379 lamang na nahuli. Nag-isyu sila ng ticket violations laban sa 2,555 na motorista, habang 928 sasakyan ang nahatak dulot ng illegal parking at mga kolorum.
Malaking hamon talaga na ayusin at patinuin ang mga pasaway na kaugalian nating mga Pilipino tungkol sa pagrespeto ng batas-trapiko.
Totoo naman na malaki ang pagkukulang ng ating gobyerno sa nakalipas ng mahigit tatlong dekada. Kaya naman umabot tayo sa kondisyon at sitwasyon kung saan tayo ngayon.
Nakalimutan natin ang modernisayson ng mga imprastraktura at transportasyon. Ang mga kalye at sidewalks ay hindi napaluwang habang ang ating populasyon ay lumalaki. Dito sa Japan, tulad ng mga ibang mga progresibong bansa, patuloy ang kanilang pag-ayos ng kanilang mga siyudad batay sa paglaki ng populasyon.
Sa akin lamang, hinog na ang Clark, Pampanga upang gumawa ng isa pang metropolis ng Pilipinas. Dito, maaaring iplano nang maayos ang nasabing lugar hawig sa mga siyudad dito sa Japan. Kung magawa ito ng gobyerno natin, tiyak marami sa mga taga-Metro Manila ang lilipat ng trabaho at pamumuhay roon.
Comments are closed.