MAAYOS NA TRANSPORTASYON, EPEKTIBO ANG TRANSAKSIYON

(ni CRIS GALIT)

WALANG makapipigil sa pag-unlad ng isang bansa kung maayos ang ­sistema ng transportasyon at maraming positibong resulta ang maibibigay nito sa ekonomiya at mga oportunidad na ang higit na makikinabang ay ang mga negosyo dahil ­ma­gi­ging mabilis ang transaksiyon at progreso.

Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, isa sa kaniyang pinagtuunan ng pansin ay ang “Build, Build, Build!” prog­ram na nais pagandahin ang lahat ng transportation at infrastructure system ng bansa.

Kamakailan lamang, sa pangunguna ng Department of Transportation (DOTr), pormal na inumpisahan ang “clearing works” sa mga Partial Operability (PO) Section para sa Metro Manila Subway Project.

Kinabibilangan ng Partial Operability Section ng subway na ito ang mga unang istasyon sa Valenzuela at Quezon City, isang line’s depot sa Valenzuela at mga gusali para sa Philippine Railway Institute (PRI), ang kauna-unahang railway training center.

“PROJECT OF THE CENTURY”

Inaasahang aabot sa 370,000 na pasahero araw-araw ang makikinabang kapag tuluyan nang makapagsimula ang operasyon nito, sa 2021 naman ang target ng bahagyang operasyon ng naturang proyekto.

Kapag nakompleto na ang “Project of the Century”, magkakaroon ng 15 stations ang Metro Manila Subway Project kasama na rito ang isang istasyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

SEC TUGADE-2Kasama sa naging sere­monya ng proyekto ang pamamahagi ng tseke at “signing of deeds of absolute sale” sa mga apektadong may-ari ng lupain pati na rin ang testimonial video presentation ng mga informal-settler na pamilya na mahahagip ng proyekto subalit nabigyan ng relokasyon sa Valenzuela’s Disiplina Village.

Batid ni DOTr Secretary Arthur Tugade, nanguna sa seremonya, ang progreso ng “right-of-way” na pagkuha sa mga lupain mula sa mga legal na may-ari at reloka­syon ng mga informal settler na pamilya.

“With our funding in place, contractor signed-up, detailed designs completed and right-of-way substantially acquired, and under the strong willed leadership of our leader, Secretary Arthur Tugade, partial operability of the Duterte Administration’s flagship Metro Manila Subway Project is on track to delivering its promise of a more comfortable life to every Filipino,” mensahe ni DOTr Undersecretary for Railways Timothy John Batan.

PASIG RIVER FERRY SYSTEM

Muling ilulunsad ng DOTr kasama ng iba pang sangay ng gobyerno at lokal na pamahalaan ng Maynila ang Pasig River Ferry System. Inumpisahan ito ng clearing operations sa kahabaan ng Pasig River noong Disyembre 2019.

Sanib-puwersa ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa pangunguna nina Environment Secretary Roy Cimatu, DOTr Secretary Arthur Tugade, Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danny Lim, at Manila Mayor Isko Moreno sa isinagawang inspeksiyon sa Pasig River na layong tanggalin ang mga sagabal o itinuturing na “hazard to navigation” sa daraanan ng ferry service.

ferry 2“Kung ang babaybayin ng ating mga ferry ay makipot, hindi kaaya-aya, may amoy, hindi maglalaon titigil ‘yung operation (ng Pasig River Ferry Service), lalo’t higit kung ‘yung mga babaybayin sa ibaba ay puno ng pollutants gaya ng water lily, debris at basura. As you give mobility and connectivity to the people, you give them and the tourists a favorable sight of the surroundings,” ani Secretary Tugade.

Bago ang inspeksiyon, nagpulong ang mga opisyal sa Manila City Hall para pag-usapan ang mga hakbang sa maayos na pagpapatakbo ng Pasig River Ferry System. Dito, tatlong dokumento ang ipinalabas mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), Philippine Coast Guard (PCG) at lokal na pamahalaan ng Maynila. Naglalaman ang mga dokumento ng panuntunan sa pagtatanggal sa mga itinuturing na obstruction sa ilog tulad na lamang ng mga nakahambalang na vessel at tambak ng basura. Tinalakay rin ang plano para sa mga informal settler.

FERRYBilang pagsunod sa direktiba ni DOTr Sec. Tugade, nagpalabas ang PCG ng Memorandum Circular na nagpapawalang-bisa sa dating kautusang nagpapahintulot sa mga vessel na dumaong nang sabay sa tabi ng ilog o ‘yung tinatawag na ‘double berthing.’ Sa ganitong paraan, mabibigyan ng sapat na espasyo ang mga ferry na babagtas sa Pasig River.

“Bilang pagtalima sa utos ng ating Kalihim ng Transportasyon, i­pinag-utos po natin na dapat lisanin nila o i-evacuate ang river. Ano pong ibig sabihin nito? Ito ‘ho ay simbolo na talagang may political resolve ang ating gobyerno, na talagang lilinisin natin ang Ilog Pasig,” ayon kay PCG Commandant Admiral Joel Garcia.

PORT-2Dagdag dito ng pamunuan ng Maritime Industry Authority (MARINA), maaaring ma-revoke o kanselahin ang “permit to operate” ng mga may-ari ng barkong lalabag.

Inihayag naman ni Philip­pine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago na malaking tulong ang nasabing direktiba sa pagpapabuti rin ng port operations ng ferry service.

“Kung nakita natin kanina, mayroon silang double berthing na nangyayari at ina-allow natin ‘yan dahil bisa na rin ‘yan nu’ng authorization ng Coast Guard simula 2007. But since na­revoke na ‘yan, simula ngayong araw na ‘to, ipagbabawal na ‘yung double berthing na ‘yan. At may instruksiyon at direktiba rin ang ating mahal na kalihim, sa pakikipag-ugnayan din sa MMDA, na magkakaroon na rin tayo ng scheduling pagpasok ng mga barges papasok sa kaloob-looban ng Pasig. Iseset natin ‘yung schedule na ‘di sila makasasagabal sa normal na trapiko ng ferry service,” dagdag ni GM Santiago.

Kasama sa nag-inspeksiyon sa Pasig River ay sina Interior and Local Government Undersecretary Epimaco Densing, MARINA OIC Administrator Narciso Vingson, Manila City Chief of Staff Cesar Chavez, at iba pang opisyal.

Sa mga ganitong proyekto ng pamahalaan, lalo’t ang makikinabang ay hindi lamang iilan, o hindi dapat mahaluan ng politika bagkus ay dapat suportahan para hindi duma­ting sa puntong “hanggang pa­ngarap na lamang…”