ILANG tulog na lang, matatapos na ang 2018. Sana naman ang kampanya ng pamahalaan sa pagbabawal ng paputok ay maging matagumpay. Maliban sa delikado ang mga ito sa posibleng maputukan ang mga kamay, nakakapagdulot pa ito ng karagdagang polusyon sa ating hangin.
Kung kayo ay nasusulasok na sa kalidad ng hangin natin dito sa Metro Manila dulot ng napakatinding trapik sa lansangan resulta ng maduming usok na ibinubuga ng mga luma at karag-karag na sasakyan tulad ng mga jeepney, bus at trucks, magpasalamat pa rin tayo at hindi kasing grabe ng polusyon sa New Delhi, India.
Ayon sa pagsusuri ng mga dalubhasa sa bansang India, ang air quality index (AQI) nila ay umaabot na sa 468. Grabe na ang hangin nila roon. Ang mga mamamayan doon ay nahihirapan ng huminga kapag sila ay naglalakad sa lansangan. Makikita mo silang nakasuot ng face mask para iwas sa paglanghap ng maruming hangin sa kapaligiran. Ilang metro lamang ang layo ay halos hindi mo na makita ang mga gusali sa kapaligiran dahil sa makapal na usok. Ang mga dating nagtitinda sa lansangan tulad ng nakikita natin dito sa Metro Manila ay nagpalit na ng kanilang ibinebenta. Imbes na lobo at sigarilyo, face mask na ang inilalako nila sa mga motorista.
Sabi ko nga ang AQI sa New Delhi, India ay umabot na sa 468, subali’t sa Metro Manila, naglalaro ang AQI natin sa 90 lamang. Malayong-malayo sa grabeng polusyon sa New Delhi. Bagama’t nasa 90 pa lamang ang ating AQI, ramdam na natin ang dumi ng hangin sa Metro Manila. Sabi ko nga, makikita mo ang dumi ng hangin natin kapag ikaw ay nasa Antipolo o sa isang mataas na gusali sa Metro Manila.
Ayon sa AQI, kapag ito ay nasa 0-50. Ito ay GOOD. Nangangahulugan na napakaganda ng kalidad ng hangin sa kapaligiran. Kapag 51-100, ito ay MODERATE. Ang kalidad ng hangin ay katanggap-tanggap subali’t may mga pollutant na maaring nakasasama sa kalusugan ng tao. Sa 101-150, hindi na maganda ito sa kalusugan ng mga ilan na sentibo sa polusyon, 151-200, UNHEALTHY na ito. Karamihan ng mga naninirahan sa lugar ay makararanas na ng pagsisikip sa paghinga at ang mga baga o lungs ay nalalagay na sa alanganing sakit o karamdaman. Sa 201-300, VERY UNHEALTHY na ito. Medyo marami na ang emergency condition nito. Ang karamihan ng mga residente ng lugar ay nasa piit ng karamdaman. Mas madali na makapitan ng sakit na may kaugnayan sa paghinga.
At tulad ng sitwasyon sa New Delhi, kapag umabot na sa 300 pataas, delikado na talaga ito sa pangkalahatang kalusugan. Hindi biro ito. May isang taga-New Delhi nga na nagsasabi na parang nasa gas chamber na raw ang pakiramdam niya. Ang iba naman daw ay namumula ang mga mata at hirap nilang idilat. Ganyan na kagrabe sa New Delhi, India.
Ano ang dapat nating matutunang leksiyon dito sa nangyayari sa New Delhi? Marami. Panahon na upang sundin at ipatupad nang seryoso ang ating Clean Air Act na naglalayon na ayusin ang kalidad ng hangin natin sa Filipinas. Gayundin sa pagpapatupad ng programa ng LTFRB ng modernisasyon ng lahat na pampublikong sasakyan. Tanggapin ng mga pribadong motorista ang pagpapalawig ng odd-even scheme upang mabawasan ang sasakyan sa lansangan na nagdadagdag ng polusyon sa siyudad. Ito ang dapat na pagtuunan ng pansin ng mga grupong nais protektahanan ang ating kalikasan. Ito ang isang isyu na maaring magawan ng mabilis na paraan imbes na nagra-rally sila sa pagpapahinto ng mga coal plant. Wala sa kalingkingan ang polusyon na idinudulot ng coal plants sa mga ibinubuga na maruming usok ng ating mga sasakyan. Masuwerte tayo na nasa MODERATE pa lamang ang air quality index natin. Malayo pa tayo sa sitwasyon sa India. Huwag na nating paabutin na maging grabe ang kalidad ng hangin sa Metro Manila.
Comments are closed.