NAPAGANDA ng timing ng inilabas na pag-aaral ng International Energy Consultants o IEC na nagsabing patas at makatwiran ang singil sa koryente sa Pilipinas.
Akalain ninyo iyon? Samantalang napakaraming nagkakalat ng fake news na ubod daw nang taas ang presyo ng koryente rito. Ang pinagkaiba nila sa mga ekspertong kagaya ng IEC, wala silang datos na maipakita at pawang mga alarmist na pahayag lamang ang ginagawa.
Magandang oportunidad ito para sa mga nakaluklok sa pwesto na may maayos at malinaw na layuning makatulong na bigyan ng tamang impormasyon ang mga konsyumer sa Pilipinas. Kung tutuusin, dapat nga dito nila ginagamit ang kanilang kapangyarihan hindi ba?
Pero paano nga ba kung pati sila mismo, hindi nauunawaang ang konteksto ng singil sa koryente sa bansa?
Hindi pa naman huli ang lahat at maari nilang simulan ngayon sa pamamagitan ng pag-intindi dito sa pag-aaral ng IEC.
Hindi naman lingid sa kaalaman nating lahat na ang bayarin natin sa koryente ay walang subsidiya.
Para saan pa kung kukunin rin naman ito sa bulsa nating mga taxpayer, hindi ba?
Lumabas sa isinagawang pag-aaral ng IEC na ang singil sa Pilipinas, partikular ng Meralco, ay nananatiling patas at makatwiran, at ang pangkalahatang taripa ng Meralco ay pang-21 sa 46 na merkado ng koryente na sakop ng pag-aaral.
Mas mababa pa nga ng 3% sa global average ang taripa ng Meralco — at kung tatanggalin pa ang karatig-bansang may subsidiya mula sa kani-kanilang pamahalaan, mas mababa pa ito ng 13% sa pandaigdigang kalahatan.
Inilahad din ng naturang pag-aaral na sa nakalipas na limang taon, ang pagtaas sa singil ay bunsod ng mataas na generation charge na naapektuhan ng pagtaas sa presyo ng fuel partikular ang inaangkat na coal at domestic gas ng Pilipinas.
Kaya nga dapat tayo dito sa Pilipinas ay mag-develop pa ng mas maraming resources na mapapagkunan ng suplay para di naman tayo sobrang maapektuhan tuwing gumagalaw ang presyuhan sa pandaigdigang merkado.
Bahagi rin yan ng rekomendasyon ng IEC na nagsabing dapat umanong pagtuunan ng pansin ang pamumuhunan sa bagong mga generation capacity upang matugunan ang lumalaking pangangailangan sa kuryente, at pati na rin ng pag-develop ng mga renewable energy source sa bansa.
Ito mismo ang dapat paglaanan ng oras ng mga nakaluklok sa pwesto! Bukod sa paggawa ng mga programang susuporta na maging mas competitive pa ang industriya ng enerhiya sa bansa, aba dapat rin nilang unawain at ipaunawa sa mas marami pang Pilipino ang tunay na estado ng singil ng koryente sa bansa.
Tigilan na natin ang fake news at ang mga walang kakwenta-kwentang pag-atake sa mga miyembro ng pribadong sektor na nagbibigay ng serbisyo. Magtulungan na lang tayo para mas mapababa ang singil at mapabuti ang buhay ng mas marami pang Pilipino.