Mababa ang presyo ng mais sa General Santos City at Cauayan, Isabela ngayong anihan na ikinababahala ng mga magsasaka.
Ayon sa mga nagtatanim ng mais sa General Santos City, ngayong panahon ng anihan nagdulot umano ng pagbaba ng mga presyo ang mga peste sa kanilang mga sinasaka.
Halos wala na aniyang kikitain sa kanilang mga inaning mais dahil sa laki ng ginastos sa mga abono at murang presyo nito na umabot lamang sa P14 bawat kilo.
Kumpara aniya sa presyo ng bigas sa mais sa General Santos City ay naglalaro sa P36 o P37 kada kilo ang bigas.
Ayon sa mga lokal na magsasaka, napipilitan na lamang sila na ibenta kahit sa murang halaga ang kanilang mga inaning mais kaysa masira at mabulok lamang ang mga ito, dahil wala na silang mapagpipiliang desisyon tungkol dito.
Iniinda rin ngayon ng mga magsasaka sa lungsod ng Cauayan sa Isabela ang mababang presyo ng kanilang inaning mais.
Malungkot na inihayag ng magsasakang si Roland Gonzaga ng Cauayan City, sa isang radio interview, na isa sa naging posibleng dahilan ng pagbagsak ng presyo ng mais ay ang sunod sunod na naranasang mga pag-ulan sa mga nakaraang linggo dulot ng bagyo.
Hindi kasi maibilad nang maayos ang kanilang mga inaning mais.
Dahil dito, ang ilan sa mga mais ay bumaba ang kalidad dahil sa pangingitim na naging sanhi rin upang mas bumaba ang presyo nito sa merkado na umaabot lamang sa P14 hanggang P15 kada kilo.
Dumadaing ngayon ang mga magsasaka sa pagkalugi dahil mahirap na mabawi ang halaga ng kanilang ipinuhunan.
Ma. Luisa Macabuhay-Garcia