KUMPIYANSA si Agriculture Secretary William Dar na mararamdaman sa mga susunod na araw ang pagbaba ng presyo ng bigas sa mga palengke.
Ito ay kasunod na rin ng direktiba sa National Food Authority (NFA) na ilabas ang lahat ng stock na bigas sa mga bodega para maibenta sa mga palengke sa buong bansa.
Ipinarating ni Dar na ibebenta ng NFA ang kanilang bigas sa halagang P25 kada kilo sa mga rice dealer at ibebenta naman ng rice dealer sa P27 kada kilo sa palengke.
Sinabi ng DA chief na sa pamamagitan nito, mapipilitan ang mga rice dealer na babaan ang presyo ng kanilang commercial rice na nasa P34 kada kilo hanggang mahigit P40.
Kasunod nito, muling pinabulaanan ni Dar ang napabalitang bentahan ng palay na nasa P7 hanggang P8 lamang kada kilo.
Inihayag ng opisyal na wala itong katotohanan base sa mga ulat ng kanilang local offices sa mga lalawigan. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.