MABABANG PRESYO NG BILIHIN

Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia

MARARAMDAMAN na ng mga konsyumer ang epekto ng pagsisikap ng gobyerno na maibaba ang presyo ng mga bilihin simula ngayong buwan, ayon sa economic manager kamakailan.

Sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia na ang galaw ng admi­nistrayon ni Duterte para gumaan ang non-tariff barriers sa pag-angkat ng bigas at iba pang produkto ng pagkain ay mararam­daman na ngayong Nobyembre.

“Mararamdaman talaga ito siguro sa November, December at saka definitely sa 2019,” pahayag ni Pernia sa patungkol sa mababang pres­yo.

Sinabi pa ni Pernia na ang inflation rate ay dapat bumaba sa target ng gobyerno na nasa range ng 2 hanggang  4 porsiyento sa susunod na taon.

Sinabi niya na ang inflation ay bumagal na mula Setyembre hanggang Oktubre. Sa pagdating ng panahon ng tag-ani, at pag-angkat at iba pang food items na pa­rating, dapat bumaba ang presyo ng pangunahing panga­ngailangan, lahad ni Pernia sa isang pana­yam.

Pababa na rin ang presyo sa pandaigdigang merkado ng la­ngis at ngayon ay nasa average sa pagitan ng $63 hanggang  $65 bawat barrel, dagdag pa ni Pernia.

Sinabi pa ng Department of Finance na ang month-on-month inflation para sa Oktubre ay bumagsak sa 0.05 percent mula sa  0.8 percent noong nakaraang buwan, na mabigat na gumagalaw mula sa nakaraang buwan na price level.

Sinabi ng DOF na ang inflation nitong Oktubre  2018 ay malamang na gumaan sa 6.5 percent mula sa 6.7 percent noong Setyembre.

“The month-on-month decrease in electricity rates helped temper the rise in fuel prices,” sabi ni DOF sa isang report.

Nakatakdang mag-release ang gobyerno ng official inflation figures ngayong Martes, Nobyembre 6.

Comments are closed.