INIANUNSIYO ng Meralco kamakailan na bumaba ang presyo ng koryente ngayong buwan ng Mayo, 2019. Ang naging kabuuang halaga ng pagbaba ay umabot sa P0.27 kada kilowatthour. Mula sa P10.56 kada kilowatthour noong nakaraang Abril, bumaba ang kabuuang singil para sa buwan ng Mayo sa halagang P10.29 kada kilowatthour. Ibig sabihin nito, bababa ng humigit kumulang P55 ang bayarin sa koryente sa mga tahanan na kumokonsumo ng 200kWh.
Sa kabila ng mga sunod-sunod na Yellow at Red Alert na nagresulta pa nga sa pagpapatupad ng rotational brownout, pababa pa rin ang direksiyon ng presyo ng koryente para sa buwan ng Mayo. Ang pagbaba ay bunsod ng paglakas ng halaga ng piso kon-tra dolyar. Dahil dito, bumaba ang singil ng mga Independent Power Plant (IPP) at ng mga Power Supply Agreement (PSA) dahil malaking porsiyento ng mga nabanggit na charge ay naka-presyong dolyar kaya nahatak nito pababa ang presyo ng generation charge.
Ang naging pagbaba ng presyo ng singil ng mga IPP at mula sa PSA ay naging sapat upang makontra ang pagtaas ng presyo ng koryente mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) na tumaas ng P3.54 kada kilowatthour bilang resulta ng kakulan-gan sa supply ng koryente sa Luzon nitong mga nakaraang linggo.
Ang kakulangan sa supply ng koryente noong mga nakaraang linggo ay nagresulta sa pitong (7) insidente ng Yellow Alert at pi-tong (7) insidente ng Red Alert. Sa ilang mga pagkakataon na nagkaroon ng Red Alert, nagpatupad ang Meralco ng rotational na brownout na tumagal ng isa hanggang tatlong oras sa ilang lugar sa Luzon. Nagkasabay-sabay sa paghinto ng operasyon ang mga planta ng koryente na nagsu-supply sa Luzon. Puro luma na kasi kaya mas madalas na talagang mangailangan ng maintenance ang mga ito. Kailangan na talaga natin ng mga bagong planta ng koryente na papalit sa mga plantang hindi magtatagal ay magreretiro na.
Bagamat ipinahayag ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na magiging normal ang supply ng koryente sa darating na eleksiyon ngayong ika-13 ng Mayo, hindi pa rin tuluyang mawala ang pangamba ng mga mamamayan. Automated kasi ang eleksiyon. Ang pagkawala ng koryente sa araw ng botohan at bilangan ay magsasanhi ng malaking problema sa ating lahat. Sana talaga magkaroon ng sapat na supply sa araw ng eleksiyon at sa mismong araw ng bilangan.
Nangako naman ang Meralco na sakaling magkaroon ng problema sa koryente sa araw ng botohan at bilangan, naka-standby ang kanilang mga tauhan upang agad na rumesponde. Sa katunayan, mayroon silang humigit kumulang 150 na generator set na nakahanda sakaling magkaroon ng hindi inaasahang pagkawala ng koryente. Bukod pa riyan, mayroon din silang 300 na floodlight sakaling magkaroon ng emergency. Mayroon din silang 300 na crew na handang rumesponde kung sakaling magkaroon ng prob-lema sa linya ng mga polling center.
Sana ay maging maayos ang darating na eleksiyon. Bumoto sana nang maayos ang mga botante. Huwag sana magkaroon ng problema sa supply ng koryente sa bansa sa araw ng halalan. Higit sa lahat, sana ay manalo ang mga karapat-dapat na maluklok sa posisyon.
Comments are closed.