MABAGSIK ANG BAGONG ANTI-PERJURY LAW

ANG katapatan ang pinakamahusay na patakaran (honesty is the best policy).

Madalas nating marinig ang kasabihang iyan mula sa mga nakatatanda at sa mga guro.

Katumbas ito ng pagsasalita ng katotohanan at paglikha ng tiwala sa isipan ng iba.

Masasabing kabilang dito ang lahat ng uri ng komunikasyon, mapa-verbal man o hindi.

Kumbaga, kapag sinabi mong tapat ka, ibig sabihin, wala itong halong panlilinlang.

Maaaring totoo ang sinasabi o pahayag pero hindi pa rin ito pagsasabi ng tapat kung ang intensiyon ng nagsasabi ay upang dayain ang mga nakikinig.

Laging ring nasasambit ng iba na ang katapatan ay maituturing na isang mahusay na pag-uugali.

May malakas at positibo itong katayuan sa halos lahat ng sitwasyon.

Ngunit hindi maiwasan na sa ilang mga pagdinig sa korte o sa Senado man ay may testigong nagsisinungaling.

Hindi ko sinasabing may ganitong senaryo sa mataas na kapulungan nitong mga nakaraang linggo.

Tila mas maraming testigo nga lang na kaduda-duda ang mga naging pahayag noong mga nagdaang taon, noong wala pa sa kapangyarihan si Pangulong Rodrigo Duterte.

Kadalasan, ang mga taong humaharap sa pagdinig ay nanunumpang magsasabi ng katotohanan lamang.

Ang problema nga lang sa Pilipinas, mahina ang ating anti-perjury law.

Oo, totoong walang nakukulong sa mga nagsisinungaling sa hukuman.

Gayunman, tila mas mabigat na parusa naman na habambuhay na kukutyain sila ng kanilang kapwa tao dulot ng hindi pagsasabi ng totoo.

Hindi na sila mapagkakatiwalaan dulot ng mga maling sinasabi.

Sira na sila sa tao at pati buong pamilya nila’y tataglayin ang pangit na batik.

Ang magandang balita, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang batas (Republic Act No. 11594) na nagpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga nagsisinungaling o gumagawa ng maling pahayag na pinanumpaan nito.

Inamyendahan ng RA 115941 ang Article 183 ng RA 3815 o ang Revised Penal Code (RPC) na nagpaparusa sa pagsisinungaling.

Sa ilalim ng bagong batas, mahaharap ang sinumang nagsisinungaling ng pagkakakulong mula anim na taon hanggang 10 taon.

Kung hindi ako nagkakamali, dati’y makukulong lamang ng mula apat na buwan hanggang dalawang taon ang sinumang mapatutunayang nagkasala sa kasong perjury.

Ang mga opisyal o empleyado naman ng gobyerno na napatunayang guilty o walang dudang nagkasala sa kasong pagsisinungaling ay papatawan ng mas mahabang taong parusa at may multang P1 milyon, bukod sa habambuhay na pagbabawal na magtrabaho sa anumang ahensiya ng pamahalaan.

Para nga kay Sen. Richard Gordon, may akda ng batas, sapat na ang matinding parusang ito para matakot ang mga gagawa ng maling ‘statements under oath’.

Sa totoo lang, wala pa akong natatandaang nahatulan o nakulong dahil sa pagsisinungaling sa korte man o sa Senado.

Gayunman, sa palagay ko, makalusot man sila sa batas ay hindi na mawawala ang stigma sa mga taong ito na tataguriang mga taong walang dangal at hindi katiwa-tiwala.

Nakakahiya ang mga taong nuknukan ng sinungaling.

Nakagawa naman tayong lahat ng kasinungalingan sa mga simple at maliliit lang na bagay.

Ngunit hindi maitatatwang may mga pagsisinungaling na sadyang nagbibigay batik habambuhay sa taong gumagawa nito.