(Ni CS SALUD)
TAYONG mga kababaihan, napakahilig nating magdala ng kung ano-anong bagay. Mga gamit na hindi naman gaanong kailangan pero inilalagay natin sa ating bag. Lagi nating dahilan, buti na iyong handa kapag kinailangan. At sa rami nga ng dinadala nating kung ano-ano, bumibigat ang ating bag.
Nakasasakit ng likod at braso ang mabigat na bag. Kung minsan din ay hindi natin ma-e-enjoy ang paglalakwatsa kung nabibigatan na tayo sa dala-dala nating bag o purse.
At dahil marami sa atin ang halos dalhin na ang buong bahay kapag nagta-travel o umaalis, narito ang ilang simpleng tips para mapagaan ang bag:
PUMILI NG TAMANG BAG
Unang-una sa ating listahan ang pagpili ng tamang bag o purse. Hindi nga naman lahat ng klase ng bag ay pare-pareho.
Maraming klase ng bag ang maaari nating pagpilian sa panahon ngayon. May ilan na kahit na wala pang laman, mabigat na. Samantalang ang iba naman ay sobrang gaan at masarap dalhin.
Kung magta-travel, mainam ang pagdadala ng mga magagaang bag nang hindi na ito makadagdag ng bigat sakaling marami kang ilalagay roon. Iwasan din ang mga klase ng bag na may mga disenyong bakal dahil mas lalo lang itong nakabibigat.
Simple, komportable at tama lang sa laki, iyan ang isaalang-alang natin sa pagpili ng gagamiting bag.
DALHIN LANG ANG MGA KAKAILANGANIN
Gaya nga ng sabi ko kanina, maraming babae ang halos dalhin na ang buong bahay kapag aalis. Kung ano-ano ang inilalagay sa bag. Lahat ng madampot, dinadala.
Importanteng natse-check natin ang laman o ilalagay natin sa ating bag. Kung hindi naman kakailanganin sa gagawing pagliliwaliw, alisin na o huwag nang dadalhin.
GUMAMIT NG MALILIIT NA LALAGYAN
Ilipat din sa mga maliliit na lalagyan o travel size container ang mga nais dalhin nang hindi makadagdag ng bigat sa bag. Hindi nga naman nawawala ang moisturizer, sunscreen, toothpaste, shampoo, conditioner, hand sanitizer o alcohol sa bag natin kapag aalis tayo. Ang mga nabanggit ay kakailanganin natin sa paglalakbay. Kaya naman, siguraduhing nakalagay ang mga ito sa mga maliliit na lalagyan nang maging travel friendly o madaling dalhin.
May mga produkto rin naman ngayon na maliliit o swak dalhin kapag nagta-travel.
MAGANDANG OPTION ANG TRAVEL-SIZE MULTI-USE PRODUCT
Maraming produkto o pampaganda ang nais nating dalhin kapag aalis tayo ng bahay. Ayaw nga naman nating magkaproblema sa pupuntahan at nais nating mapanatiling presentable ang ating kabuuan o hitsura.
Magandang option din ang travel-size multi-use product. Halimbawa na lang ang tinted moisturizer na may SPF. Sa isang produkto nga naman, may moisturizer ka na at may pamprotekta ka pa sa araw. Mainam ding dalhin sa paglalakwatsa ang lip and cheek tint.
IWASAN ANG MAG-IPON NG MARAMING BARYA
May ilan sa atin na tamad magbilang ng barya kaya’t kapag may binili, mas pinipiling magbayad ng buo. Abala rin naman kasi kung magbibilang pa tayo.
Gayunpaman, nakabibigat ng bag ang maraming barya. Kaya iwasang magkolekta ng maraming barya. Gamitin o ipambili kaagad ang mga ito nang hindi na dumami pa.
Halos lahat ng kababaihan ay nagdadala ng malaking bag. Kung malaki nga naman ang bagay mailalagay roon ang lahat ng kakailanganin natin. O ang mga gusto nating dalhin. Pansinin din natin na kapag malaki ang bag, kung ano-ano ang nailalagay natin na hindi naman kailangan.
Masama sa kalusugan ang pagdadala ng mabigat na bag. Nagiging dahilan ito ng pananakit ng likod. Kaya naman, para maiwasang manakit ang likod o katawan, iwasan ang pagdadala ng mabigat na bag. Gawan ng paraan upang mapagaan ito gaya na nga lang ng mga ibinahagi namin. (photos mula sa heyletsmakestuff.com, rd.com, .splendry.com)
Comments are closed.