NOONG nakaraang buwan, sa pamamagitan ng lagda ni Pangulong Duterte ay naisabatas ang Republic Act 11571. Layon ng nasabing batas ang mabilis na pagbibigay ng permit, mga lisensiya, at mga sertipikasyon sa mga panahon ng emerhensiya gaya ng pandemyang COVID-19.
Ang batas na ito ay naaayon sa panahon ngayon. Sa pamamagitan ng nasabing batas ay may kapangyarihan ang Pangulo, sa panahon ng emerhensiya, na pabilisin ang proseso, pansamantalang suspendihin o tanggalin ang mga requirement para sa mga permit, mga lisensiya, sertipikasyon, at mga awtorisasyon.
Ang maituturing na kakaiba sa pagpapatupad ng nasabing batas ay ang katunayang ito ay maaaring ipatupad sa lahat ng uri ng negosyo. Hindi ito pumapabor lamang sa partikular na industriya. Ito ay tiyak na magiging malaking tulong sa muling pagbangon ng ating ekonomiya sa ilalim ng bagong normal. Dapat nating pasalamatan ang Pangulo sa magandang pangyayaring ito.
Kitang-kita ang katotohanang ayaw ng Pangulo sa red tape. Ito marahil ang dahilan kung bakit nananatiling mataas ang kanyang approval rating. Ito rin ang dahilan kung bakit patuloy niyang hinihikayat ang mga ahensiya ng pamahalaan na magbigay ng mahusay na serbisyo publiko sa mga tao at sa mga negosyo. Binilin din niyang huwag paghintayin nang matagal ang mga ito pagdating sa pagpoproseso ng mga permit, lisensiya, sertipikasyon, at iba pang dokumentong kailangan ng mga ito. Ang pagbabago bunsod ng kautusang ito ay talagang mararamdaman. Ako mismo ay nakaranas nito nang ako’y mag-renew ng aking driver’s license.
Ang nasabing batas ay may kaugnayan sa isa pang batas. Ito ay ang Republic Act No. 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act, na isinabatas ng Pangulo, dalawang taon na ang nakararaan. Layunin din ng nasabing batas ang pagpapadali at mas pagpapahusay ng proseso para sa mga nagnanais magnegosyo.
Sa pamamagitan ng mga batas na ito na pabor sa mga negosyo, kinukuwestiyon ng ilang miyembro ng steel industry kung bakit sila pinagsusumite ng mga karagdagang dokumento para sa pagpapalabas ng mga materyales na ginagamit sa pagbububong na kanilang binili sa ibang bansa.
Ang mga hinaing ng mga miyembro ng industriya ng bakal ay nag-ugat mula sa Department Administrative Order (DAO) na ipinalabas kamakailan ng Bureau of Philippine Standards (BPS) at ng Department of Trade and Industry (DTI). Sa naturang kautusan ay kinakailangang magsumite ng sertipikasyon ng produkto para sa mga materyales na ginagamit sa paggawa ng bubong at iba pang produkto.
Ang mga gumagawa at nag-aangkat ng mga nasabing materyales sa bansa ay naniniwala na ang bagong DAO ng DTI, na ipinatupad simula noong ika-13 ng Enero 2021, ay magreresulta sa kakulangan sa supply ng nasabing mga materyales. Ang mga ito ay kailangan upang makumpleto ang mga proyektong pagpapabahay ng pamahalaan at iba pang mga proyektong imprastraktura nito.
Nagtataka at nangangamba ang mga negosyong apektado ng nasabing kautusan. Nangangamba sila na ang pagpapatupad ng DAO ay magsasanhi sa kakulangan ng supply, at hindi magtatagal, ay magreresulta rin sa pagtaas ng presyo ng nasabing mga produkto.
Ilang ulat ang nagsabi na ang mga miyembro ng industriya ng bakal ay magsusumite ng kanilang apela sa DTI. Makikiusap ang mga ito na bigyan sila ng mas mahaba pang panahon upang maisaayos muna nila ang kanilang operasyon ng naaayon sa DOA. Kasama rin sa kanilang pakiusap ang hayaang makapasok ang kanilang paparating na mga inangkat na produkto. Karamihan kasi sa mga ito ay nakabili na ng mga produkto bago pa man inilabas at ipinatupad ang DAO 2010, Series of 2020.
Dagdag pa sa pangamba ng mga negosyanteng apektado ng nasabing DAO ay ang mga produktong kanilang inangkat na nakatakdang dumating sa bansa hanggang Abril 2021 ay hindi papasa sa itinakdang minimum na kapal na 0.4mm na nakasaad sa DAO 20-10, Series of 2020. Ito ay dahil sa ang kanilang ginagamit bilang pamantayan ay ang PNS 67:2014.
Bagaman pinagbigyan ng DTI ang apela ng mga negosyante na bigyan sila nito ng sapat na panahon upang makasunod sa bagong teknikal na regulasyon, naglabas naman ang DTI ng karagdagang probisyon na nagsasaad ng mga karagdagang dokumentong kailangang isumite ng mga negosyante bago aprubahan ang paglabas ng kanilang mga produktong inangkat.
Nagtatanong ang mga negosyong gumagawa ng bakal kung bakit nila kinakailangang magsumite ng mga karagdagang dokumento kung ang kanilang mga pag-aangkat ay sumunod naman sa tamang proseso.
Kung susumahin ay aabot sa 24 ang bilang ng dokumentong kailangang isumite ng mga negosyanteng gumagawa ng bakal bago makakuha ng pahintulot na mailabas ang kanilang mga inangkat na produkto. Ito ay magsasanhi sa pagbagal ng pagdating ng supply.
Ang lahat ay umaasa na ang pagpapatupad ng DAO ay hindi makaaapekto sa mga negosyo sa sektor ng konstruksiyon.
Kasalukuyang sinisimulan ng pamahalaan ang isang malaking proyektong imprastraktura nito na nagkakahalagang P6 trilyon. Ayon sa mga balita, ang proyektong ito ay naglalayong magtayo ng 75 na paliparan at pantalan, mga tulay, mga daan, mga riles, at mga ospital. Upang masiguro ang tuluy-tuloy na pagtakbo ng nasabing proyekto, kinakailangang maagapan ang anumang maaaring makapagpabagal dito.
Sa kabila ng mataas na pangangailangan, mayroon pa ring mga ulat ukol sa kakulangan sa supply ng mga materyales na pambubong. Hindi na matustusan ng kasalukuyang supply ang kinakailangang mga materyales para sa mga proyektong pabahay ng pamahalaan at iba pang proyektong imprastraktura, na inaasahang mas lalo pang lalawak kasabay ng muling pagbangon ng ekonomiya pagdating ng mga bakuna laban sa COVID-19.
Ang mga miyembro ng industriya ng bakal ay palagiang sumusunod sa mga pamantayang itinatakda ng pamahalaan ukol sa pagtatayo ng mga gusali, ngunit sila ay naniniwala na ang bagong DAO ay maaaring magsanhi ng pagkaantala ng mga importanteng proyektong imprastraktura ng pamahalaan, lalo na yaong mga kabilang sa ‘Build, Build, Build’. Maaari rin itong magbunga ng kakulangan sa mga kabahayan pagdating ng taong 2030.
Ang ating pamahalaan ay masigasig sa muling pagbubukas ng ekonomiya upang muling makasabay sa pagbangon ng ekonomiya ng ating mga karatig na bansa ngayong panahon ng pandemya.
Upang magtuloy-tuloy ang pagbangon ng ating ekonomiya, kailangan din nating magbigay ng suporta sa ating mga lokal na industriya at ang mga negosyo sa bansa upang maibsan ang naging epekto ng pandemya sa kanila.
999166 969699This is a terrific site, will you be interested in doing an interview about how you designed it? If so e-mail me! 305437