NIYANIG ng malakas na lindol ang bandang hilaga ng Luzon. Ayon sa Phivolcs, umabot ito ng intensity 7.0. Ang epicenter ng lindol ay nakita sa munisipalidad ng Dolores sa lalawigan ng Abra. Malaki ang pinsala na idinulot ng lindol at naapektuhan din ang mga karatig lalawigan ng Kalinga, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Tuguegarao, Mountain Province at ibang bayan ng Pangasinan.
Sa Metro Manila ay naramdaman din ang lindol na umabot sa intensity 4 na naghasik ng takot sa mga residente at mga nagtatrabaho sa mga pangunahing siyudad ng Metro Manila.
Ilang araw matapos ang maganda at madamdaming SONA ng PBBM, tumama ang malakas na lindol. Ito ay maaaring matawag na isang parisukat ng estilo ng pamamahala ni PBMM.
Sang ayon ako sa sinabi ni PBBM na hayaan muna ang ating mga LGU upang gawin nila ang kanilang katungkulan upang isagawa ang mga pangunahing aksiyon na tutugon sa mga biktima ng lindol. Ayon kay PBBM, na naging dating gobernador ng Ilocos Norte, mahirap na pumasok agad ang pakikialam ng national government dahil mas gugulo ang koordinasyon ng mga hakbang upang unahin ang kapakanan ng mga biktima at pagkukumpuni ng mga nasira na kabahayan at gusali sa mga apektadong lugar.
Nagbigay ng agarang ulat sa mga mamamahayag bandang hapon ng Miyerkoles kung kailan nangyari ang lindol upang malaman agad ng publiko ang sitwasyon sa mga apektadong lalawigan sa hilaga ng Luzon sanhi ng lindol.
Nakakatuwa rin malaman na ang bagong talagang DSWD Secretary Erwin Tulfo ay agaran na lumipad papuntang Abra upang tiyakin na ang tulong ng pamahalaan ay maibigay agad. Maaaring iniiwasan ni Sec. Tulfo ang mga kapalpakan na nangyari sa mga dating namuno ng nasabing ahensiya sa mabagal na aksiyon sa pagbibigay tulong at kalinga mula sa DSWD.
Kahapon ay pumunta si PBBM sa mga lugar na apektado ng lindol at humingi ng ulat mula sa mga lokal na opisyal, kasama ang mga kalihim ng kanyang gabinete upang malaman ang mga kailangan na tulong mula sa national government.
Mabuti naman ay walang gaanong kritiko at batikos sa mga oposisyon sa kasalukuyan. Maaaring natuto na sila na walang political benefit sa mata ng publiko ang mga taong mahilig bumatikos imbes na makidalamhati at makipagtulungan sa gitna ng sakuna.
Ramdam na ramdam ito nang nagsagawa ng protesta ang mga militanteng grupo noong panahon ng SONA. Tila walang masyadong pumansin o nagsimpatya sa kanilang kilos bagkus ay pinagtawanan at binatikos sila nang sila ay ulanin sa kalagitnaan ng kanilang protesta.
Ganun din ang napansin sa nag-iisang hindi pumalakpak sa SONA na si Sen. Risa Hontiveros noong SONA. Marami sa social media ang nakapansin nito at hindi sumang-ayon sa opinyon ni Hontiveros na nagkulang ang talumpati ni PBBM at hindi tinalakay ang isyu sa korupsiyon, peace and order at human rights sa kanyang SONA.
Palagay ko ay sinadya ni PBBM ang hindi pagtalakay sa mga nasabing isyu dahil gagamitin lamang ito ng mga oposisyon upang pagpiyestahan nila ang mga gasgas na isyu na ipinupukol nila kay PBBM noong panahon ng eleksiyon na hindi naman tinatangkilik ng karamihan ng mga Pilipino.