NAKATAKDANG buksan ang mga bagong subsection ng Cavite-Laguna Expressway (CALAX) sa susunod na taon kung saan mas madali at mas kumbinyenteng daan patungong Silang at Tagaytay ang mararanasan ng mga motorista.
Ang pagbubukas ng bagong kalsada ng CALAX ay karagdagan sa kabuuang 45 kilometro na binubuo ng walong interchanges na kinabibilangan ng Technopark, Laguna Boulevard, Santa Rosa-Tagaytay Road, Silang East, Silang (Aguinaldo), Governor’s Drive, Open Canal, at Kawit Interchange.
Samantala, ang CALAX Silang (Aguinaldo) Interchange ay nasa 91% na ang konstruksiyon at nakatakda na ring buksan sa Setyembre sa ‘Biyaheng South’ na mga motorista.
Nakapokus ang kasalukuyang konstruksiyon sa toll facilities, kabilang na ang road lights, signages, at sound barriers, habang ang preparasyon para sa sistema ng pangongolekta ng toll ay isinasaayos na rin.
Inaasahan na ang pagbubukas ng CALAX Silang (Aguinaldo) Interchange, na kokonekta rin sa Manila-Cavite Expressway (CAVITEX) sa Kawit ay mapagsisilbihan ang karagdagang 5,000 motorista na daraan dito araw-araw na maagkakaloob ng kumbinyenteng ruta sa mga motorista patungo sa kani-kanilang lugar na pupuntahan.
Sa kasalukuyan, ang operational segments ng CALAX ay mula sa kahabaan ng Mamplasan Rotunda hanggang sa Silang East Interchange.
-MARIVIC FERNANDEZ