MABILIS NA PAG-IISYU NG BIZ PERMIT, PINATITIYAK NG DILG SA LGUs

Secretary Año.

MATAPOS  mapirmahan ang batas na magpapadali sa pro­seso ng pagnenegosyo, inaasahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang 100 porsiyentong pagtalima ng mga pamahalaang lokal sa pagpapabilis ng paggagawad ng mga lisensya, clearance at iba pang permit.

“Ngayong mayroon ng batas, marapat lamang na mas gawin pang business-friendly ng mga pamahalaang lokal ang kanilang nasasakupan sa pamamagitan ng pagpapadali ng proseso sa pagnenegosyo sapagkat sila rin naman ang makikinabang niyan pagdating ng panahon,” ayon kay DILG OIC-Secretary Eduardo M. Año.

Hinikayat nito ang mga pamahalaang lokal na mas ma­ging aktibo sa pagsunod sa itina­tadhana ng batas dahil mas mapatataas pa ang porsiyento ng mga tumatalima sa parehas na inis­yatibo ng DILG sa pagpapabilis ng proseso sa pagnenegosyo.

Ipinahayag din niya na ang DILG, kasama ang Department of Trade and Industry at Department of Information and Communication Technology, ay naglabas ng Joint Memorandum Circular (JMC) 2016-01 o ang ‘Revised Standards in Processing Business Permits and Licenses in All Cities and Municipalities’ na naglalaman ng alituntunin sa pagpapabilis ng paggagawad ng mga permit at clearance sa pagnenegosyo.

“Patuloy ang pagsisikap ng DILG sa pagpapabilis ng proseso ng pagnenegosyo at ang porsiyento ng mga pamahalaang lokal na nakapag-comply na ay maaari pang tumaas. Nawa’y sa pamamagitan ng pagpapasa ng nasabing batas ay magawa na­ting mahikayat ang 100% nilang pagtalima,” aniya.

Ayon sa datos mula sa Bureau of Local Government Development ng DILG, 59.37% lamang o 900 ng mga pamahalaang lokal ang sumunod sa isinasaad ng JMC 2016-01 na isa rin sa mga mahahalagang bahagi ng Republic Act 11032.

Ang RA 11032 o Ease of Doing Business and Efficient Delivery of Government Services Act of 2018 ay naglalayong mapadali at mapabilis ang pagtatayo at pagpapatakbo ng negosyo sa bansa. Ang nasabing batas na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong Mayo 28, 2018 ay ang panibago o inamyendahang bersiyon ng Anti-Red Tape Act of 2007.

Itinatadhana ng batas ang paggamit ng “unified form” sa pagproseso ng mga aplikasyon para sa permit at renewal ng mga negosyo, pagtatayo ng mga one-stop shop para sa pagnenegosyo, at automation ng business permits and licensing system sa loob ng tatlong taon.

Upang mawala ang korupsiyon sa pagpoproseso ng mga aplikasyon sa pagnenegos­yo, inaasahang isasagawa ng mga ahensiya ng pamahalaan, kabilang ang mga pamahalaang lokal,  ang “zero contact policy” maliban na lamang sa preliminary assessment ng mga aplikasyon ng mga negosyo at pagpapasa ng mga requirement.     JOEL AMONGO

Comments are closed.