MABILIS NA RESPONDE NG DSWD SA ALBUROTO NG MAYON PINASALAMATAN

Pinasalamatan ni Albay (2nd district) Rep. Joey Sarte Salceda si Department of Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian sa mabilis niyang tugon sa kahililingang “food packs” ng mambababatas para sa 9,829 mga pamilyang mula sa 6-7 kilometrong “permanent danger zone (PDZ)” sa paligid ng umaalburotong Bulkang Mayon.

Karamihan sa mga pamilyang inilipat sa evacuation centers ay mula sa mga bayan ng Camalig, Daraga, Guinobatan, Santo Domingo, at Malilipot. Agad silang inilipat matapos itaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) noong Huwebes sa älert level 3 ang estado ng bulkan at iutos ang sapilitang paglipat ng mga tao sa ligtas ng lugar.

Sa liham niya kay Gatchalian na may petsang Mayo 8, hiniling ni Salceda ang food packs na ayuda para sa 45 araw hanggang 90 araw na maaaring itagal sa evacuation centers ng mga pamilyang inilipat mula sa limang bayang nabanggit. Ang kahilingan ay batay sa dati nang mga karanasan ng lalawigan mula sa nakaraang mga pag-alburoto ng Mayon.

Bukod sa pagiging kinatawan ng ika-2 distrito ng Albay sa Kamara kung saan siya ang chairman ng House Ways and Means Committee nito, si Salceda ay naging siyam na taong gobernador ng Albay hanggang 2016.

“Sana ay pagbigyan ng DSWD ang aming kahilingang ayuda o kahit na sa kalahati ng 90 araw na panahon dahil malamang itaas pa ng Phivolcs sa ‘Alert Level 4’ ang lagay ng Mayon,” sabi ni Salceda sa kanyang liham.

Ang ayudang hiniling ni Salceda ay mga 147,435 ‘food packs’ para sa 45 araw na pamamalagi ng mga bakwit sa evacuation centers o kaya 294,870 ‘food packs’ kung magtatagal sila ng 90 araw doon.

Sa kanyang text message kay Salceda, tiniyak naman agad ni Gatchalian na mayroon na silang “60,000 food packs sa mga bodega nila sa Albay, at karagdangang mga 40,000 pa sa mga kalapit na lalawigan sa rehiyon.

“Cong, tiyak na matutulungan namin ang inyong mga mamamayan at LGU at maaaring higit pa sa 50 porsiyento ng panahong hiling ninyo,” ayon kay Gatchalian sa pahatid niya kay Salceda.

Kasunod ng utos na paglipat ng PHIVOLCS, 4,749 pamilya na binubuo ng mga 18,000 katao ang kaagad inilipat sa ligtas na mga lugar na ang karamihan ay mga pampublikong paaralan. Karamihan sa kanila ay mula sa limang bayang nabanggit, kasama ang Malilipot sa ‘northeast quadrant’ at Camalig, Daraga, Guinobatan at Sto. Domingo sa ‘southeast quadrant.’

Ayon kay Salceda, 7,963 pamilya o mga 29,880 ka-taong inilipat ay mula sa Camalig, Daraga, Guinobatan, at Sto. Domingo, samantalang 1,966 pamilya o mga 7,226 katao naman ang mula sa ‘northeast quadrant’ na saklaw ang Malilipot.

“Mga 5,000 ‘food packs’ na agad ang agad naipamahagi sa mga bakwit mula sa tatlong mga bayan dahil sa utos ni Secretary Gatchalian, kaya taos-pusong kaming nagpapasalamat sa DSWD,”diin ni Salceda.

“Nakikipag-ugnayan din kami sa DSWD ‘Regional Field Office V,’ at humihiling din kami ng iba pang kailangang pagkaing ayuda, at iba namang mga kagamitang pangkalinisan at pangkalusugan mula naman sa ibang mga ahensiya,” dagdag niya.