MACKEREL FLAT PASTA

MACKEREL FLAT PASTA

(Ni CT SARIGUMBA)

KUNG madaliang pagluluto ang pag-uusapan, hindi mabilang ang recipe na maaari nating subukan. At isa na nga riyan ang pasta. Simpleng lutuin, swak pa sa panlasa ng kahit na sino.

At kung nag-iisip kayo ng masarap na ihanda sa buong pamilya, swak na swak lutuin ang Mackerel Flat Pasta. Bukod sa swak sa bulsa ang presyo ng mga sangkap, madali lamang din itong lutuin at talagang katatakaman ng buong pamilya.

Ang mga sangkap na kakailanganin sa pagagawa nito ay ang mga sumusunod:

– isang pirasong si­buyas, hiwain ng paggisa

– kamatis, depende sa nais na rami, hiwain din ng paggisa

– canned mackerel, depende sa rami ng gustong lutuin

– flat pasta

– olives

– asin

– paminta

– patis

– basil leaves o celery (optional)

– mushroom (optional)

– oil

– parmesan cheese o kahit na anong klaseng cheese.

Paraan ng pagluluto:

Para hindi maabala sa pagluluto, bago simulan ay ihanda na muna ang lahat ng mga sangkap na kakailanganin.

Kapag naihanda na, magsalang na ng lutuan, lagyan ito ng tubig saka pakuluin. Kapag kumulo na, lagyan na ito ng kaunting asin at mantika saka ilagay ang flat noodles. Hanguin kapag naluto. Ilagay na muna sa isang tabi.

Matapos na maluto ang noodles, pagtuunan naman ng pansin ang gaga­wing sauce. Sa pagluluto ng sauce, magsalang lang ng kawali at lagyan ng mantika. Kapag uminit na ang mantika, ilagay na ang sibuyas at kamatis. Haluing mabuti. Mas maraming kamatis, mas magiging malasa rin ang ga-gawing pasta.

Kapag kumatas na ang kamatis, ilagay na ang mackerel. Timplahan ito ng asin, paminta at patis. Puwede rin namang asin at paminta lang at walang patis. Haluing mabuti. Kapag kumulo na, ilagay na ang flat noodles at mushroom. Haluin ulit na mabuti.

Bago ihanda, ilagay ang olives at celery o basil leaves. Budburan din ng cheese nang lalong sumarap.

Kung hindi naman agad-agad kakainin ang nilutong Mackerel Flat Pasta at dadalhin sa outing o kaya naman sa potluck, maaari ring huwag munang paghahaluin ang sauce at pasta. Ang gawin lang, kapag naluto na ang sauce, palamigin at saka isalin sa lalagyan. Gayundin ang gawin sa noodles, ilagay ito sa lalagyan.

At sa pagdating sa pupuntahan o kakainin na ang niluto, saka lamang pagsamahin ang pasta at sauce. Puwede rin naman na ang kakain na lang ang maghahalo—kukuha siya ng noodles at siya nang bahala kung gaano kara­ming sauce ang nais niyang ilagay.

Simple lang ang sangkap na kakailanganin natin sa paggawa ng Mackerel Flat Pasta. gayunpaman, kung sarap at sarap lang ang pag-uusapan, swak na swak ito sa panlasa ng kahit na sinong makatitikim.

Kaya, ano pang hinihintay ninyo, subukan na ang Mackerel Flat Pasta. Bukod din sa Mackerel Flat Pasta, puwede rin ninyong subukan ang Spanish Sardines Pasta, Red Sardines Pasta at Tuna Pasta.

Sa Spanish Sardines Pasta, gagamit ka lang din ng canned Spanish sardines. Samantalang regular na sardinas o sardines in tomato sauce naman ang main ingredient ng Red Sardines Pasta. At kung Tuna Pasta naman, canned tuna lang din ang gagamitin mo.

Sa pagluluto naman, pareho lang din ang paraan. Ang main ingredient lang ang nag-iiba.

Anumang trip mong pasta, maaari mo nang lutuin kahit na nasa bahay lang. Dahil napakaraming simpleng paraan upang makapagluto ng masarap, mabilis at abot-kaya sa bulsa.

Happy eating!

Comments are closed.