MADALAS NA QUARRYING NAGIGING SANHI NG RED TIDE

Umalma ang grupong Kalasag sa umano’y naganap na seabed quarrying sa Cavite, dahil sa umano’y adverse impact nito sa coastal communities

Sa Cavite Environmental Summit 2024 na ginanap kamakailan, nanawagan silang ihinto na ang seabed quarrying sa probinsya ng Cavite dahil nasisira na umano ang kanilang marine ecosystem at apektado na rin ang kabuhayan ng mga coastal communities sa nasabing probinsya.

Nagsama-sama sa Philippine Christian University sa Dasmariñas City, Cavite noong Sabado, August 31, 2024, will ang mga marine experts, mangingisda, estudyante, kaparian, at iba pang stakeholders upang talakayin ang pagpahinto ng dredging activities sa Cavite.

Layon din ng mga Caviteño na hingin sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang resulta ng cumulative impact assessment ng naganap na seabed quarrying activities na isinagawa noong isang taon.

Ayon sa Kalasag, mismong ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng DENR ang nagsabing limang seabed quarrying permit ang hawak ng Silverquest Mining Resour­ces Inc., Avalar Mining Corporation, V.I.L. Mines Inc., Philippine Reclamation Authority, at Seabed Resources, Inc.

Dagdag pa nila, kinukuha sa Cavite ang dredge fill materials para sa mga proyekto sa Manila Bay at New Manila International Airport sa Bulacan ng San Miguel Corporation.

Inisyu umano ang mga permit sa pagitan ng 2008 at 2022, kung saan sakop ang mahigit 27,000 ektarya ng sea area sa Naic, Tanza, Ternate, Rosario, Noveleta, at Cavite City. Abot na umano sa 40 million cubic meters ng buhangin ang nahahakot ng nasabing quarry.

Noong 2022, naglabas ng pastoral letter si Imus Bishop Reynaldo Evangelista bilang pagtanggi sa lumalawak na seabed quarrying sa San Nicholas Shoal, isang sand bar o harang sa dalampasigan ng Nove­leta, Rosario, Tanza, Naic, at Ternate na pumuprotekta sa coastal communities laban sa baha.

Binanggit ng bishop na ayon sa pag-aaral, permanenteng masisira ng seabed quarrying ang marine ecosystem, malalason ang karagatan, at mamamatay ang mga halamang dagat. Mauubos umano ang oxygen kaya mamamatay ang mga isda, at mawawalan ng kabuhayan ang mga ma­ngingisda.

Iginigiit naman ng Kalasag, o Kabitenyong Alyansa Laban sa Seabed Quarrying, na magkaroon ng community consultations dahil isinagawa ang quarrying ng walang konsultasyon.

Dahil umano sa nasabing quarrying, dumalas ang pagkakaroon ng red tide sa kanilang lugar dahil sa release ng heavy metals, nagkaroon din ng coastal erosion, mga pagbaha at geohazard risks, nasira ang dalampasigan, at maraming nawala ng kabuhayan.

RLVN